Tinulak ng kahirapan, inangat ng 4PsTestimonya ni Reymond C. Masin
Benepisyaryo ng 4Ps
Lisensyadong Pharmacist
TANGALAN, Aklan (Pagbabago) – Isang batang lumaki sa hirap, ngunit kailanman hindi sumuko sa pangarap. Ako si Reymond C. Masin ng bayan na ito at ako ay isang registered pharmacist na ngayon.
Panganay ako sa apat na magkakapatid at kaisa-isang lalaki. Lumaki kami sa isang tahanang hindi namin pagmamay-ari, sa isang pamilyang ang tanging sandigan ay ang kita ng aking ama bilang construction worker na ang isang kita na madalas ay hindi sapat para sa lahat na mga pangangailangan. May mga panahong kinakailangan pang mangutang ng aking mga magulang upang kami ay mapakain at mapag-aral.
Bata pa lamang ako, ramdam ko na ang bigat ng responsibilidad. Sa edad na anim, marunong na akong magsaing, mag-igib ng tubig, at tumulong sa paglalaba. Hindi naging hadlang ang murang edad upang matuto akong magsakripisyo. Habang ang ibang bata ay walang iniintindi kundi ang paglalaro, ako ay unti-unting hinuhubog ng realidad ng buhay.
Naranasan kong mangalakal, mag-igib ng tubig kapalit ng kaunting halaga, at sumama sa palaisdaan upang manghuli ng tulya na aming ibinebenta para may pandagdag sa gastusin. Hindi man kami mayaman, pinili kong ipagmalaki ang bawat sentimong pinaghirapan ko dahil alam kong iyon ay bunga ng aking pawis at pagsisikap.
Sa kabila ng lahat, hindi ko pinabayaan ang aking pag-aaral. Pinagsabay ko ang pag-aaral at paghahanapbuhay, at sa awa ng Diyos ay nakatanggap pa rin ng mga parangal. Malaki ang naging papel ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa aking paglalakbay. Ito ay isang tulong na nagsilbing liwanag sa panahong tila kapos na kapos kami. Dahil dito, natapos ko ang senior high school na may karangalan at dala ang pag-asang makakapagpatuloy pa.
Ngunit ang landas patungo sa pangarap ay hindi naging tuwid. Pangarap kong maging civil engineer, ngunit hindi ako nabigyan ng pagkakataong makapasok sa kursong iyon. Halos gumuho ang aking mundo. Pakiramdam ko noon, doon na nagtatapos ang aking pangarap.
Ngunit hindi sumuko ang aking ama para sa akin. Sa kanyang pagpupursige, nabigyan ako ng pagkakataong makapag-aral ng Bachelor of Science in Pharmacy sa Saint Gabriel College dito sa Aklan. Hindi ko man ito unang pinangarap, pinili kong yakapin ito dahil iyon ang pagkakataong ibinigay sa akin.
Hindi naging madali ang bawat araw. Habang nag-aaral, patuloy akong nagtatrabaho—sumasama sa construction, nagtitinda, at ginagawa ang lahat upang makatulong sa pamilya. Hanggang sa dumating ang pandemya, isang pagsubok na muling nagpahinto sa aking paglalakbay. Dahil sa kakulangan ng signal at hirap sa online classes, napilitan akong huminto sa pag-aaral.
Sa panahong iyon, hinarap ko ang iba’t ibang klase ng trabaho tulad ng pagbubuhat ng troso, nagtrabaho sa bukid at palayan, at sumama sa pangingisda sa laot. Naranasan kong manghina, sumuka sa gitna ng dagat, at mapagod nang sobra ngunit hindi ako sumuko. Mas pinili kong mapagod kaysa maging pabigat.
Nang muling magbukas ang pagkakataon, bumalik ako sa pag-aaral bilang working student. Naging laboratory assistant ako habang pinagsasabay ang pagtitinda ng gulay, mais, saging, at kamote. May mga araw na halos wala na akong pahinga at madaling araw bumibiyahe para mamili, maghapon nag-aaral at nagtatrabaho, at gabi ay nag-aayos ng paninda. Minsan, sa sobrang pagod, muntik na akong maaksidente sa daan. Pero hindi ako tumigil, dahil may pangarap akong kailangang abutin. Hindi lang para sa sarili ko kundi para sa pamilya ko.
Sa awa ng Diyos, noong Hunyo 10, 2025, natapos ko ang aking pag-aaral. At noong Abril 22, 2026, natupad ko ang isa pang pangarap ko ang maging isang lisensyadong Pharmacist.
Sa araw na iyon, hindi ko lang pinatunayan sa sarili ko na kaya ko. Pinatunayan ko rin na ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay, ito ay hagdan patungo rito.
Ngayon, patuloy pa rin ang aking laban. Hindi pa ito ang katapusan ng aking kwento dahil ito ay panimula pa lamang. Bitbit ko ang lahat ng pinagdaanan ko bilang lakas upang mas lalo pang mangarap, magsikap, at magbigay inspirasyon sa iba.
Sa muli, ako si Reymond C. Masin, isang patunay na ang pangarap, gaano man kahirap abutin, ay nagiging posible para sa taong hindi sumusuko. Ngayon, isa na akong ganap na Pharmacist, ang tagumpay na ito ay bunga ng mahabang paglalakbay na puno ng sakripisyo, pagod, at pananampalataya.(Ipinasa ng MOO Tangalan, Aklan POO)
