Kayod kalabaw noon, Registered Criminologist ngayon!Testimonya ni Melrose Tumbagahan
Benepisyaryo ng 4Ps
MAKATO, AKLAN- Sa bawat hakbang ng buhay, dala-dala ko ang mga alaala ng aming kabataan noon na puno ng pagsubok at hamon. Bilang isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) , kasama ang aking buong pamilya, kami po ay lubos na nagpapasalamat sa programa na nagdala ng liwanag at pag-asa sa aming pamilya.
Ako si Melrose Tumbagahan ng bayan na ito at ako ang magpapatunay kung paano nakakatulong ang programa sa ano mang meron kami ngayon. Sa tulong ng 4Ps, hindi lamang kami nabigyan ng financial assistance, kundi maging ng mga oportunidad upang mapalakas ang aming kakayahan at magabayan sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Mula sa pagiging isang estudyante ng Criminology hanggang sa pag-operate ng mga rice field machineries tulad ng turtol, kuliglig, thresher, at pati na rin bilang isang construction worker, natutunan ko ang halaga ng determinasyon at sipag.
Kasama ang aking mga kapatid, tulad ni Michelle na isang matalinong estudyante at atleta, at ng aking nakababatang kapatid na nagpapakita rin ng determinasyon sa pag-aaral, naranasan namin lahat ang mga pagsubok na bumabalot sa aming buhay.
Pero proud ako sa sarili ko dahil ang dating nag-aararo noon, ngayon ay isang Registered Criminologist. Patuloy kaming lumalaban para sa susunod na hakbang sa kinabukasan. Hindi sapat ang mga salita upang ipahayag ang aming pasasalamat sa aming mga magulang na sina Nilo at Melisa. Kung hindi dahil sa kanilang walang sawang suporta at pagmamahal, hindi namin mararanasan ang ganitong uri ng buhay na kahit mahirap ay mayaman sa pagmamahal at pagtitiwala.
Nagpapasalamat din ako sa mga taong nasa likod ng programang ito. Sila ang nagsilbing pundasyon para sa aming kinabukasan at ng aming buong pamilya. Ang kanilang tulong at suporta ang nagbigay sa amin ng lakas ng loob na harapin ang anumang pagsubok at magpatuloy sa pag-abot ng aming mga pangarap.
Sa tulong ng 4Ps, naniniwala ako na ang bawat kabataan ay may karapatang mangarap at abutin ang kanilang mga pangarap. Kaya’t bilang isang patunay ng aking pasasalamat, ibinibigay ko ang isang tula na nagbibigay ng libreng pabatid sa edukasyonal na programa para sa isang pamilyang nangangailangan. Sana’y maging inspirasyon ito sa iba pang mga benepisyaryo ng 4Ps na tulad ko, na mayroong pag-asa at lakas ng loob na harapin ang anumang hamon sa buhay.
Nawa’y mas marami pang mga kabataan at pamilya ang matulungan at pagsilbihan ang programang 4Ps. Sana’y patuloy pa itong tumagal at mapalawak pa ang kanilang saklaw, upang mas marami pang Pilipino ang makinabang at magkaroon ng pag-asa sa kanilang mga pangarap. (Ipinasa ng Makato MOO, Aklan POO)
TULA: 4Ps Sandigan ng Pangarap
Sa landas ng hamon, kayo’y gabay na kaaya-aya,
4Ps, ang aming pasasalamat, di-mabilang ang tuwa’t saya.
Alay ko itong tula, sana’y inyong ikatuwa,
Sa pagmamahal at tulong, sa inyo’y pasasalamat ng buong puso’t diwa.
Sa bawat pamilyang naghihirap, kayo ang aming tanglaw,
Sa inyong pag-asa’t tulong, ang bukas ay laging tinatanaw
Sa inyong pagmamahal at walang sawang alaga,
Bawat pangarap binibigyang halaga.
Sa bawat yugto ng buhay, kayo ang aming sandigan,
Ang inyong kabutihan, ay ang aming lakas upang manindigan.
Sa 4Ps, ang aming pasasalamat, di malilimutan,
Ang inyong serbisyo ay isasapuso magpakailanman.
Sa mga taong nasa likod nito, aming taos-pusong pasasalamat,
Sa inyong tulong at suporta, hatid samin ay ginhawa,
Bakas sa aming mga mata kapag mayroong biyaya
Kagalakan sa aming puso di makumpara
Pangangailangan sa tahanan, gamot at gamit sa paaralan ay natustusan,
Buong kusa ang pakikilahok kapag mayroong talastasan,
Tuwing mayroong aktibidad nagbibigay kaalaman,
Ito’y gabay sa aming pagpapalago ng aming munting tahanan.
Ang inyong serbisyo’t dedikasyon sa amin ay nag-iwan ng bakas,
Pagmamahal at suporta, dulot nito’y inspirasyon at lakas.
Sa inyong patuloy na pagtanggap at pag-abot sa mga nangangailangan,
Sa bawat araw na dumaraan, pag-asa at pangarap ay manitiling buhay dahil ang 4Ps ay sandigan ng mga pangarap
