Lingkod bayan, lingkod 4Ps
Testimonya ni PMSg Jerome G. Marapo
Police Community Affairs and Development (PCAD), PNCO

Lemery Municipal Police Station
LEMERY, Iloilo (Pagtataya) – Ako si PMSg Jerome G. Marapo, isang lingkod-bayan at Police Community Affairs and Development (PCAD) PNCO ng Lemery Municipal Police Station.

Bilang bahagi ng Police Community Relations (PCR) ng Philippine National Police, patuloy akong nakikipag-ugnayan sa komunidad at sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran ng aming bayan.

Sa loob ng mahigit sampung taon, naging aktibo akong katuwang ng Local Government Unit (LGU) at ng 4Ps sa pagsasagawa ng Family Development Sessions (FDS) bilang resource speaker. Bahagi na ng aking tungkulin ang pagbabahagi ng kaalaman tungkol sa crime prevention, anti-terrorism awareness, Violence Against Women and Children (VAWC), at pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa ng munisipyo.

Sa pamamagitan ng mga talakayang ito, natutulungan naming mapataas ang kamalayan ng mga benepisyaryo upang maiwasan nilang masangkot sa kriminalidad at mahikayat silang maging responsable, disiplinado, at makakalikasan na mamamayan. Bilang PCR PNCO, nagsisilbi rin akong tulay sa mas matibay na ugnayan ng PNP at ng komunidad sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga barangay officials, stakeholders, at iba’t ibang sektor ng lipunan.

Malaki ang naitutulong ng aking tungkulin sa pagpapatupad ng 4Ps sapagkat sa pamamagitan ng tamang pagpapalaganap ng impormasyon at supporta sa komunidad, nagiging mas ligtas at maayos ang kapaligiran ng mga benepisyaryo. Dahil dito, mas nabibigyan sila ng pagkakataong makapag-aral, makapagtrabaho, at mamuhay nang payapa at marangal, alinsunod sa layunin ng programa na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga pamilyang nangangailangan.

Sa bawat FDS na aking dinadaluhan, hindi lamang ako nagtuturo bilang isang pulis. Higit pa rito, nakikibahagi ako bilang isang lingkod-bayan na may malasakit sa kinabukasan ng bawat pamilya. Sa aking karanasan, tunay kong nasaksihan kung paano nagiging daan ang FDS upang mabigyan ng pag-asa, gabay, at bagong pananaw ang mga benepisyaryo ng 4Ps.

Hindi lamang tulong pinansyal ang kanilang natatanggap, kundi kaalaman at wastong paggabay na nagsisilbing pundasyon upang magkaroon sila ng mas maayos at marangal na pamumuhay. Sa pamamagitan ng FDS, unti-unting namumulat ang mga pamilya sa kahalagahan ng disiplina, edukasyon, responsibilidad, at malasakit sa kapwa at komunidad.

Isa sa mga pinakamahalagang bagay na aking nasaksihan ay ang pagbabago sa mga benepisyaryo, mula sa pagiging tahimik at walang kumpiyansa tungo sa pagiging mas responsable, aktibo, at handang makibahagi sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad. Ang simpleng pakikinig, paggabay, at pagbabahagi ng tamang impormasyon ay nagiging inspirasyon upang sila’y magsikap at magkaroon ng mas malinaw na direksyon sa buhay.

Hindi rin maikakaila na malaki ang naging epekto ng aking pakikilahok sa FDS sa aking personal na pagkatao. Sa bawat pakikipag-usap ko sa mga benepisyaryo ng 4Ps, mas nauunawaan ko ang tunay nilang kalagayan, mga pangarap, at hamon sa buhay. Napagtanto ko na bilang isang pulis, hindi lamang pagpapatupad ng batas ang aking tungkulin kundi ang maging gabay, tagapayo, at katuwang ng mamamayan sa pag-abot ng mas magandang kinabukasan.

Dahil sa aking partisipasyon sa FDS, mas nahasa ang aking kakayahan sa pakikipagkapwa-tao, komunikasyon, at public service. Higit sa lahat, mas lumalim ang aking malasakit, pang-unawa, at pasensya sa pakikitungo sa kapwa. Nakikita ko na sa simpleng pagbabahagi ng kaalaman, payo, at inspirasyon, may mga buhay na unti-unting nagbabago at mga pamilyang muling nagkakaroon ng pag-asa.

Ang aking karanasan bilang bahagi ng Family Development Session ay patunay na ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng pamahalaan at komunidad ay may napakalaking papel sa tagumpay ng 4Ps. Sa pamamagitan ng FDS at iba pang lokal na programa, hindi lamang natutulungan ang mga pamilya sa aspetong pinansyal kundi nahuhubog din ang kanilang kaalaman, disiplina, pananagutan, at aktibong pakikilahok sa pagpapaunlad ng komunidad.

Nagbibigay sa akin ng inspirasyon ang makita ang unti-unting pagbabago sa mga tao, mula sa pagiging mahiyain at walang kumpiyansa tungo sa pagiging aktibo, responsable, at may pangarap para sa kanilang kinabukasan. Dito ko higit na napatunayan na ang 4Ps ay hindi lamang tungkol sa ayuda. Ito ay programa ng pagbabago, paghubog ng pagkatao, at pagbibigay ng pag-asa sa bawat pamilyang Pilipino.

Tunay ngang ang 4Ps ay hindi lang ayuda, kundi bagong pag-asa, isang pag-asang nagbibigay-lakas sa bawat pamilya upang magsikap, magbago, at sama-samang bumuo ng isang mas maunlad, ligtas, at mapayapang komunidad. (Ipinasa ng Lemery MOO, Iloilo POO)

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD