Pangarap na binuo ng 4Ps
Testimony by Alan Kyrl D. Espada
4Ps beneficiary
JAMINDAN, Capiz (Pangarap) – Jeremiah 29:11: “For I know the plans I have for you,” declares the Lord, “plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future.”
Ang verse na ito ay nagpapaalala sa atin na ang plano ng Diyos ay mas dakila kaysa sa anumang plano natin sa ating buhay. Kaya ito ang naging life verse ko sa gitna ng maraming plot twist ng aking buhay.
Noong ako ay nasa high school, naalala kong tinanong ako ng aking guro: “Pagkalipas ng 10 taon, saan mo nakikita ang sarili mo?” Sagot ko: “Nakikita ko ang sarili ko bilang isang matagumpay na Civil Engineer, Ma’am!”
Alam ko sa puso ko na gusto kong maging Civil Engineer. Pangarap kong magplano at magtayo ng magandang bahay para sa aking pamilya, dahil ang bahay namin noon ay sira at kalahati na lang ang natira matapos salantain ng Bagyong Yolanda. Ang nasirang bahagi ay tinakpan na lang ng dingding na gawa sa niyog ng aking ama.
Hindi marangya ang aming buhay, pero ipinagmamalaki ko ang aking mga magulang sa kanilang kasipagan sa pagsasaka at pagtatrabaho, upang kami na walong magkakapatid ay makapag-aral. Laking pasasalamat namin ng nakapasok ang aming sambahayan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Noong una, nahihiya ako kapag tinatanong sa paaralan kung sino ang mga 4Ps, at nahihiya akong itaas ang kamay. Nahihiya ako na tawaging mahirap ngunit kalaunan, natutunan kong ito ay isang pribilehiyo na lubos na nakatulong sa aming pag-aaral at pangangailangan sa bahay.
Naalala ko pa na tuwing Recognition Day, kapag wala pang budget mula sa 4Ps, nangungutang muna si Nanay para makabili ng damit na maisusuot ko sa entablado habang tinatanggap ang medalya. Hanggang Senior High School, patuloy kaming sinuportahan ng programa, kaya nakatapos ako ng basic at secondary education.
Dahil sa pangarap kong maging Civil Engineer, nag-Senior High ako sa Filamer Christian University, kumuha ng STEM strand. Kahit private school, kinaya dahil may voucher mula sa gobyerno. Ngunit dumating ang pandemya. Nalugi ang maliit na tindahan ni Nanay na pinagkukunan ko ng allowance. Nag-online class kami at nahirapan ako. Sa kabila ng lahat, nagtapos ako ng Grade 11 na may High Honors.
Nag-apply ako sa iba’t ibang unibersidad para sa Civil Engineering, pero nabigo ako. Sa isang pagkakataon, hindi ko nasagot ang tawag para sa interview dahil walang signal sa amin. Sa kursong architecture naman ay hindi din ako nakapasok.
Grabeng kalungkutan ang na experience ko sa pagpapatuloy ng aking pangarap, pakiramdam ko nahuhuli na ako. Habang nag-scroll sa Facebook, nakita ko ang entrance exam para sa Nursing. Nag-try ako, kahit wala akong balak at nakapasa ako.
Kasabay nito, nag-apply din ako sa Western Institute of Technology para sa Civil Engineering. Ngunit dahil sa lockdown, hindi ko naiproseso ang Civil Engineering.
Sa tulong ng aking mga magulang, pinili ko ang Nursing.
Alam kong mahal at mahirap ang kursong ito. Dumaan ako sa matinding pagsubok—pisikal, mental, emosyonal, espiritwal, at pinansyal. Minsan wala kaming ulam, lugaw na may asin na lang ang kinakain ko. Pero sa kabila ng lahat, pinanghawakan ko ang Jeremiah 29:11.
Nakakuha ako ng iba’t ibang scholarship—CHED, Gugma Ni Governor Castro, Jamindan Educational Assistance Program—at sa tulong ng aking mga kapatid at magulang, nakapagpatuloy ako.Noong una kong clinical duty, nakaramdam ako ng tunay na tawag sa Nursing. Habang hawak ko ang paa ng pasyenteng may paso, naramdaman ko ang compassion at pagmamahal sa pagtulong. Doon ko minahal ang Nursing.
Noong malapit na akong magtapos, nakasalubong ko ang guro na minsang nagtanong sa akin kung saan ko nakikita ang sarili ko. Ngumiti siya nang makita akong naka-duty uniform bilang Nursing student. Doon ko naunawaan: ito pala ang tunay na plot twist ng aking buhay.
Hindi man ako naging Civil Engineer, natutunan kong mahalin ang Nursing. At noong Hulyo 2, 2025, nakapagtapos ako ng Nursing. Nakita ko ang luha ng kaligayahan ng aking mga magulang. Worth it ang kanilang sakripisyo.
Nag-review ako para sa November Board Exam. Sa hirap at sakripisyo, sa tulong ng Diyos, nakapasa ako at nakakuha ng mataas na rating.
Ngayon, hindi man marangya ang aming buhay, mas maayos na ang aming bahay. Apat sa aking mga kapatid ay sundalo, may nagtapos sa cruise ship, political science, electrician, at ako naman ay Nurse.
Malaki ang pasasalamat ko sa programang 4Ps, dahil naging kaagapay namin ito sa oras na kami ay kumakailangan ng tulong pinansyal.
Tunay na totoo ang Jeremiah 29:11. Hindi ko man naabot ang pangarap kong maging Civil Engineer, binigyan ako ng Diyos ng mas dakilang plano, ang maging Nurse na may calling na maglingkod sa tao. (Ipinasa ng Jamindan MOO, Capiz POO)
