Malasakit sa IPs, hatid ay pagbabago sa buhay, komunidad

BUENAVISTA, Guimaras (Pagtataguyod) – Si Jessie P. Ortega, isang masigasig at masipag na may-ari ng J & J Farm mula sa Barangay Tinadtaran ng bayan na ito. Siya ay nagbigay inspirasyon sa kanyang komunidad dahil sa pagbahagi ng kanyang kaalaman sa technolohiya at pagsasaka.

Nitong 2025, nagtapos siya ng kursong Bachelor of Science in Agriculture, isang hakbang na nagbigay sa kanya ng mas malalim na kaalaman at kasanayan upang makatulong sa paglago ng kanilang komunidad, lalo na sa mga miyembro ng Ati Community sa Sitio Serum, Brgy. San Nicolas ng nasabing bayan.

Bilang isang aktibong miyembro ng komunidad at tagapagtaguyod ng mga programang pangkabuhayan, si Jessie ay walang sawang nagsusulong ng suporta sa Implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Siya ay isang tunay na ehemplo ng malasakit at pagmamahal sa kapwa, na hindi lamang nag-aaral kundi nagsisilbing gabay at inspirasyon sa mga kabataan at matatanda sa kanilang lugar.

Sa kanyang puso, nakatanim ang hangaring mapabuti ang buhay ng bawat isa sa pamamagitan ng pagbibigay-kaalaman at pagtuturo sa tamang pamamaraan sa pagtatanim ng gulay at iba pang pananim.

Isa sa mga pangunahing proyekto ni Jessie ay ang pangunguna sa pagtuturo ng Crop Establishment at Crop Management sa mga Indigenous Peoples (IPs). Sa pamamagitan ng kanyang malawak na kaalaman, naipapaliwanag niya nang malinaw at maayos ang tamang pamamaraan sa pagtatanim, pag-aalaga ng pananim, at pest management. Hindi lamang siya nagtuturo, kundi naglalaan din siya ng seedlings, compost, at iba pang kagamitan upang masiguro na makapagtatanim nang maayos ang kanyang mga tinuturuan. Dahil dito, unti-unting nagbago ang buhay ng mga IPs, naging mas produktibo ang kanilang mga pananim, at nagsimula silang makatulong sa kanilang kabuhayan.

Ang walang sawang pagtuturo at pagmamalasakit ni Jessie ay nagdulot ng malalaking pagbabago sa komunidad. Ang mga miyembro ng Ati Community ay nakaranas ng pag-angat mula sa kahirapan, at nakabuo ng mas matibay na samahan at pagkakaisa. Hindi lang siya isang mag-aaral na nagtapos, kundi isang tunay na haligi ng pagbabago, isang butihing puso na may malasakit sa kanyang kapwa at sa kinabukasan ng kanyang lugar.

Sa patuloy niyang pagtaguyod at pagbibigay ng suporta sa mga programa ng 4Ps at Guimaras State University, si Ortega ay nagsisilbing inspirasyon at gabay sa kanyang komunidad. Ang kanyang dedikasyon ay patunay na ang edukasyon, malasakit, at pagtutulungan ay susi sa pag-unlad at pagkakapantay-pantay sa lipunan. Sa kanyang mga gawa, naipapakita niya na ang isang kabataan na may puso at pangarap ay kayang baguhin ang takbo ng buhay ng kanyang kapwa at makapag-iwan ng magandang marka sa kasaysayan ng kinabibilangang komunidad.

Samantala, para kay Ortega sa kanyang pagsusuri, maaari pang mapaunlad ng 4Ps ang serbisyo nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malawak na suporta sa kabuhayan mas mapalakas ang kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na makaahon sa kahirapan at magkaroon ng mas maayos na kinabukasan. Gawin ito sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga training at livelihood programs na nakatuon sa sustainable na pag-unlad.

Sa tulong ni Jessie, maisusulong ang edukasyon at kabuhayan sa kanyang komunidad. Siya ay tagapagtaguyod upang pagpapaigting pa ang mga programang ito. Gamit ang kanyang kaalaman at malasakit upang hikayatin ang iba pang kabataan at miyembro ng komunidad na maging aktibo, magtulungan, at magsikap para sa ikabubuti ng lahat. Sa ganitong paraan, mas magiging makabuluhan ang serbisyo ng 4Ps at mas mapapalakas nito ang kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na makamit ang kanilang mga pangarap at mapanatili ang pagkakaisa sa komunidad. (Ipinasa ng Buenavista MOO, Guimaras POO)