Munting pangarap ng batang 4Ps
Salaysay ni: Ma. Liezel Flohimon Francisco
2025 4Ps Exemplary Regional Winner
4Ps monitored child
LAUA-AN, Antique – Para sa akin, hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng pangarap, kung may pananampalataya at pagsisikap.
Ako po si Ma. Liezel Flohimon Francisco, 12 na edad at kasalukuyang nasa ika-pitong baitang sa Laua-an National High School. Nakatira ako sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan. Ang aming lugar ay isang maliit at tahimik na pamayanan sa baybayin ng dagat.
Karamihan sa mga tao rito ay nagsusumikap sa pangingisda, pagtatanim, at mga simpleng kabuhayan. Sa bawat umaga, rinig ang hampas ng alon at ang ingay ng mga bangkang pumapalaot. Ang ganitong tanawin ang aking kinalakihan.
Ako ang bunso sa aming magkakapatid. Ang aking ama, si Juanito, ay isang masipag na mangingisda at karpintero habang ang aking ina naman ay si Hazel na masigasig na naglilingkod bilang katulong sa simbahan ng aming parokya.
Ang aming bahay ay gawa lamang sa kahoy at pawid – payak, ngunit nagiging matatag dahil sa pagmamahalan at pagtutulungan ng bawat isa.
Bago kami naging miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mahirap ang aming kalagayan. Sa kabila nito, hindi namin naramdaman na kami’y nag-iisa. Lagi kaming nagtutulungan. Ako bilang bunso ay tumutulong kay Nanay sa paglilinis at pagluluto. Ang aking mga kapatid naman ay nag-aalaga sa isa’t isa at nagtutulungan sa gawaing bahay.
Nang maging bahagi kami ng 4Ps noong 2008, nagkaroon ng malaking pagbabago sa aming buhay. Lalo na sa edukasyon, nagkaroon kami ng pambili ng school supplies, uniform, at pamasahe. Hindi na namin kailangang manghiram ng gamit sa iba. Dahil dito, mas naging masigla at determinado ako sa pag-aaral at mas nabigyan din ng halaga ang aming kalusugan dahil sa regular na check-up.
Natutunan din ni Nanay sa Family Development Sessions (FDS) ang tamang pagba-budget ng aming maliit na kinikita. Natutunan niyang unahin ang mga pangunahing pangangailangan at magtabi para sa kinabukasan. Ang kaalaman mula sa FDS ay hindi lamang nakatulong sa aming pamilya, kundi nakapagbigay din ng inspirasyon sa kanya upang maging mas mahusay na magulang.
Ako naman ay nakinabang sa pamamagitan ng mga oportunidad sa paaralan. Mas naging aktibo ako sa paaralan: naging kalahok ako sa Science at Math Quiz Bee, Storytelling Contest, Character Impersonation Contest, AP Histo Quiz, at Singing Contest.
Ako rin ay naging Lyrist Leader sa Drum and Lyre Competition (DLC), at kasapi ng Children of Mary (COM) choir sa simbahan. Ako po ay isang Classroom President simula Grade 4 hanggang ngayong Grade 7, dito ko simulang natutunan ang pamumuno at pagiging responsableng lider.
Noong ika-anim na baitang, ako ay nahalal bilang Supreme Elementary Learner’s Government (SELG) President, isang malaking karangalan at responsibilidad na humasa sa aking kaalaman sa pamumuno at malasakit sa kapwa. Noong nagtapos ako sa elementarya, ako ay nabigyan ng “Bugal Leadership Award” na labis kong ikinatuwa at naging proud ako sa aking sarili.
Sa kasalukuyan, ako ang Supreme Secondary Learner’s Government (SSLG) Grade 7 Representative. Lahat ng ito ay naging posible dahil may programang sumusuporta, at may pamilyang laging nakahanda upang ako’y gabayan.
Isa sa pinakamahirap na karanasang hinarap ng aming pamilya ay noong sabay-sabay na nagtaas ang presyo ng bilihin at tumaas din ang gastusin sa pag-aaral. Dumating sa punto na halos wala kaming makain at si Tatay ay napilitang mangutang.
Ngunit sa halip na sumuko, mas lalo kaming nagkaisa. Si Nanay ay nagsikap pang maghanap ng dagdag na pagkakakitaan, si Tatay ay nagdoble kayod sa pangingisda at pagkakarpintero, at kaming mga anak ay nagpatuloy sa pag-aaral na may determinasyon.
Sa panahong iyon, natutunan ko na ang pagtutulungan ng pamilya ang pinakamalakas na sandata laban sa kahirapan at naging aktibo rin kami sa aming komunidad.
Dahil sa aktibo naming partisipasyon bilang pamilya, kami ay naitanghal bilang Provincial Winner ng 4Ps Huwarang Pamilya noong taong 2019. Ang karangalan na iyon ay nagbigay sa amin ng labis na kasiyahan dahil naging inspirasyon ang aming pamilya sa kapwa naming benepisyaryo hindi dahil sa kami ay mayamang pisikal, kundi ang yaman ng pagmamahalan at pagsusumikap naming bilang isang pantawid pamilya.
Ako ay patuloy na nangangarap na makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng propesyon. Nais kong maibalik sa aking mga magulang ang lahat ng kanilang sakripisyo at mabigyan sila ng mas maginhawang buhay.
Pangarap ko ring maging inspirasyon sa ibang batang tulad ko na kahit mahirap ang buhay, posible ang pagbabago kung may tiyaga, sipag, at pananampalataya.
Ngayon, masasabi ko na unti-unti naming natutupad ang aming mga pangarap. Hindi pa man ganap na nakakaahon sa kahirapan, natutunan naming magtiis, magsikap, at higit sa lahat, magtiwala sa Diyos.
Dahil sa 4Ps, nagkaroon kami ng pag-asa. Ang mga kaalaman mula sa FDS ay naging gabay sa aming pamumuhay. Natutunan naming hindi lamang umasa sa tulong, kundi magpursige para sa aming kinabukasan.
Sa muli, ako ay isang batang 4Ps. Patuloy po akong nangangarap, nagsusumikap, at nananalig na ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay. Sa halip, ito ay hagdan patungo sa magandang kinabukasan.
Naniniwala ako na ang bawat batang Pilipino ay may kakayahang magbago ng landas ng kanyang pamilya at makapag-ambag sa pag-unlad ng kanyang komunidad kung may pangarap, sipag, at pananampalataya sa Diyos.(Laua-an MOO, Antique POO)mgc
