Dating 4Ps PL patuloy pa rin ang serbisyo bilang presidente ng SLPA

Testimonya ni Rosanna Daria Forro
Presidente ng Abong SLP Association

Dating 4Ps Parent Leader

CARLES, Iloilo (Pagtataya)- Ako si Rosanna Daria Forro, 56 taong gulang at nakatira sa Barangay Abong, Carles, Iloilo. Ako at ang aking asawang si Leo ay biniyayaan ng limang anak. Nagsimula ang aking kwento sa DSWD noon 2010 ng mapabilang ang aking pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Porgram (4Ps).

Bilang benepisyaryo ng 4Ps, napakalaki ng naitulong nito sa aming pamilya, lalo na sa pag-aaral ng aming mga anak dahil natugunan ang kanilang mga pangangailangan sa paaralan at kalusugan. Nabigyan din sila ng sapat na pagkain tatlong beses sa isang araw na nakatulong upang mapanatili ang kanilang mabuting kalusugan. Bukod dito, sa pamamagitan ng Family Development Session (FDS) kada buwan, nagkaroon kami ng dagdag na kaalaman bilang mga magulang kung paano mas maayos na maitataguyod ang aming mga anak hanggang sa pagtatapos ng kanilang pag-aaral at mabigyan sila ng magandang kinabukasan.

Simula 2014 hanggang 2022, ako ay naitalaga bilang isang Parent Leader (PL) ng 4Ps. Katuwang ako ng mga kapwa ko benepisaryo ay ang pag fill out ng mga forms at pagprocess ng mga updates. Isa sa aking nakagawian kapag my FDS ay nag house-to-house ako para ipaalam ang mga schedule ng aming mga gawain.

Mapalad rin akong naging kalahok sa Parent Leaders Training sa Iloilo City kahit na kailangan kong isakripisyo ang oras ko para sa aking pamilya. Ayaw kong ipalagpas ang mga pagkakataon na madagdagan ang aking kaalaman bilang PL, at doon ko rin nakita at nakilala sa personal si dating DSWD Secretary Jinky Soliman. Masayang-masaya ako sa aking karanasan at nakuhang kaalaman bilang isang PL.

Taong 2022 ang Barangay Abong ay napabilang KALAHI-CIDSS PMNP. Ako ang naitalaga bilang Barangay Sub-project Management Committee (BSPMC) Chairperson. Ang sub-project na ito ay ang Improvement of Abong Child Development Center. Ako ang naging gabay para mapabilis at mapabuti ang paggawa ng sub-project. Mahirap ang mga gawain at madaming oras ang kailangang ilaan bilang isang community volunteer para matapos ang proyekto.

Pero napagtagumpayan ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng bawat kasapi at sa mga maraming trainings at seminars ang aming nilahukan. Nakatulong din ako sa pag monitor ng mga kailangang mga materyales at dapat na kumpleto at nasa good quality ang mga materyales lalo na sa amenities tulad ng TV, wall fan, ceiling fan, lamesa at mga upuan. Natapos ang proyekto bago pa man ang deadline ng paggawa dahil maganda at mabilis ang trabaho at kompleto sa materyales.

Ang bagong gawang feeding center with kitchen utensils at iba pang amenities ay may malaking naitulong sa aming komunidad lalo na sa mga batang nag- aaral sa Day Care. Naging mas maayos at maginhawa ang pagsasagawa ng feeding program para sa mga bata. Mayroon din silang TV para makatulong sa kanilag edukasyon. Nabawasan na ang malnutrition sa barangay dahil sa malaking tulong ng DSWD.

Bilang Presidente ng Abong Sustainable Livelihood Program (SLP) Association, ang aking naitulong sa aking mga kasamahan ay ang aktibong pakikilahok, at kailangan ko pang pagbutihin ang aking tungkulin upang higit na mapaunlad ang aming proyekto. Ito ay sa pamamagitan ng profit sharing bilang karagdagang kita para sa amin.

Kahit malabo na ang aking paningin, hindi ko ito inalintana alang-alang sa tagumpay ng aming proyekto. Sa ngayon, nalampasan ko na ang lahat ng pagsubok. Lubos akong nagpapasalamat sa programa ng SLP at higit sa lahat sa ating Panginoon sa Kanyang patuloy na paggabay sa amin.

Sa proseso ng pagpaparehistro namin sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Internal Revenue (BIR), kinakailangan naming kumpletuhin ang mga requirements tulad ng Mission, Vision, at Goals at paggawa ng Policy at By-Laws. Kahit mahirap ang proseso, dahil na rin sa malayo ang aming barangay at maraming documents ang kailangang ipasa, nagpursigi kami at kami ang kauna-unahang SLP association na nakaparegister sa DOLE. Para sa akin, mahalagang maitaguyod nang maayos ang aming association, kahit nahihirapan kami dahil sa dagdag na gastos sa BIR para sa online processing. Malaking tulong ang mga staff ng SLP para mas padali ang aming pagproseso.

Naging matagumpay ang tulong na naibigay ng 4Ps, SLP at KALAHI-CIDSS sa aming pamilya at komunidad. Taong 2024 ay nagtapos na ang aming pamilya sa programa dahil nakatapos na sa Senior High ang aking bunsong anak na ngayon ay ikalawang taon sa kursong Nursing sa University of Iloilo.

Dahil sa programa, nakapag-aral nang maayos ang aking mga anak at nakahanap ng trabaho. Nakapagpatayo rin sila ng maayos na tahanan para sa amin. Ang dalawa kong anak ay nasa Manila, kung saan ang isa ay nagtatrabaho sa isang mall at ang isa naman ay nagtatabraho bilang security officer. Mayroon din akong anak na kasalukuyang nagtatrabaho sa isang government company sa Japan bilang Roadway Designer.

Maraming salamat sa DSWD dahil naging benepisyaryo ang aking pamilya ng 4Ps at nang makagraduate kami ay naging program participants naman ng SLP. Malaking tulong sa aming pamilya ang dagdag kita sa araw-araw at nagbigay ng magandang kinabukasan. Ang mga aral at kakayahan na natutunan ko sa FDS, mga trainings at seminars ay malaki ang naitulong para mapa unlad ang aking sarili at maging mas mabuting ina para sa aking mga anak. Kung minsan, naging mahirap pagsama-samahin ang mga responsibilidad pero kinaya ko dahil sa kagustuhan kong makatulong sa aming kumonidad at makatawid sa kahirapan.

Sa ngayon, kahit nagtapos na kami sa programa pero aktibo pa rin ako bilang presidente ng asosasyon na tumutulong mapalago ang aming pangkabuhayan na nasimulan ilang taon na ang nakalipas at patuloy na nagtataguyod sa pangangailangan ng kapwa ko benepisyaryo. (Ipinasa ng Carles MOO, Iloilo POO)mgc