Boses ng kabataang katutubo: Nasa kamay mo ang pagbabagoTestimonya ni Arjane Morales Barte
Dating minomonitor na batang 4Ps
JAMINDAN, Capiz- “Mahirap ang maging mahirap, pero mas mahirap pag walang pangarap”. Ang kasabihang ito’y naging paboritong linyahan ng mga mahihirap na punong-puno ng pangarap ngunit minsa’y sinusubok ng panahon at pagkakataon dahil ang pagkamit sa mga pangarap nila ay parang suntok sa buwan na mahirap abutin.
Ako si Arjane Morales Barte, 22 taong gulang nakatira sa Barangay Jaena Norte ng nasabing bayan. Kasalukuyang nag-aaral sa ikatlong taon ng kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa Capiz State University, Burias Campus, Mambusao, Capiz. Bunso sa limang magkakapatid, at ang kwentong ibabahagi ko sa inyo ay kung paano binago ng edukasyon at mga karanasan bilang katutubo ang aking pananaw sa buhay.
Sa kabila ng pagiging musmos na isinilang sa kahirapan sa kabundukan ng nasabing probinsya, ako ay namulat sa pagmamahal ng pamilya at sa matinding realidad ng pagiging salat at katutubo, kung saan naranasan ang panlalait at pagtitiis. Sa tulong at pagpupursige ng aking ina na isang Barangay Health Worker (BHW), Parent Leader, at pagiging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) simula 2010, na nagbigay ng suporta sa aming pamumuhay at edukasyon, sinikap naming mag-aral nang Mabuti at nagbunga ito ng pag gawad sa aming pamilya ng titulong “Huwarang Pamilyang Pilipino” noong 2013.
Ang suportang ito at ang paniniwala sa kahalagahan ng edukasyon ay nagtulak sa sa amin na magpatuloy sa pag-aaral, tumuntong sa sekondarya, at mas matuklasan ang sarili at mga talento sa iba’t ibang patimpalak, kabilang ang pagkuha ng ikatlong pwesto sa Silakbo noong 2020, isang rehiyonal na patimpalak para sa mga katutubong benepisyaryo ng 4Ps, na lalong nagpatibay aking kumpiyansa sa sarili at kakayahan.
Ang karanasan ko sa silakbo ay nag-iwan ng magandang aral na natutunan ko sa pang araw-araw at nagpabago ng pananaw ko sa buhay. Naging aktibo ako sa pakikilahok sa bawat programang ipinapatupad sa pamayanan, natutunan ko ring ipaglaban ang aking karapatan bilang isang mamamayang katutubo dahil sa pangangalaga ng IPRA Law, natutunan kong hindi hadlang ang pagiging isang katutubo o IP sa pagkamit ng iyong pangarap sa buhay dahil walang mahirap kung ikaw ay nagsisikap. Nagtapos ako ng aking sekondarya with high honor (Salutatorian).
Sa ngayon hindi ko parin masabing malayo na ang aking narating sapagkat patuloy ko pa ring tinatahak ang daan patungo sa aking pangarap, lagi kong pinapaalala sa sarili ko na “Malayo pa pero malayo na” magpapatuloy parin ang isang bata na dati’y musmus at kinukutya.
Ngayon ay patuloy parin akong nagsusumikap at pinapahalagahan ang aking pag-aaral sa kolehiyo, masasabi kong mas nakilala ko na ang sarili ko, ang kakayahan ko, naging aktibo sa mga organisasyon sa paaralan, patuloy paring nakikibahagi sa bawat patimpalak. Salamat sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, lilingunin, ipagmalaki at isasabuhay sa aking puso dahil naging isang tulay ito upang baguhin ang pananaw ko sa buhay.
Bilang katutubo ang tanging sandata ko’y edukasyon para ipakita at ipaalala sa iba na kaya nating makaahon at isakatuparan ang ating mga pangarap maniwala lang tayo sa ating sarili dahil hindi hadlang ang kahirapan at anong komunidad man ang iyong pinanggalingan upang isakatuparan ang ating pangarap. Mabuhay ang mga kapwa ko Katutubo! (Ipinasa ni: Jose Christian O. Sudayan Municipal Link – Jamindan, Capiz)/lrc
