Mula sa dating benepisyaryo, ngayon ay nagsisilbi na sa 4Ps
Isinulat ni: Ronel D. Desales
Dating benepisyaryo ng 4Ps
4Ps Municipal Link
PILAR, Capiz (Pangarap)- Ako si Ronel Depaur Desales, 26 na taong gulang at nakatira sa Maayon ng probinsyang ito. Para sa akin, ito ang pagkakataon upang masuklian ang programang naging katuwang namin sa pag-ahon mula sa kahirapan. Hindi lamang ito tungkol sa pagtanggap ng tulong pinansyal, kundi tungkol sa aktibong pakikilahok. Sa kabila ng lahat ng hirap, ni minsan ay hindi ko naisipang sumuko. Sa halip, ang mga pagsubok ang naging dahilan ng aking pagpupursige.
Taong 2010, nang naging bahagi ang aming pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa unang pagkakataon, naramdaman ko ang tunay na pag-asa. Ang tulong pinansyal mula sa programa ang nagbigay-daan upang maipagpatuloy ko ang pag-aaral na hindi lamang sa aspeto ng gastusin, kundi sa aspeto ng kumpiyansa at inspirasyon.
Bilang bunso sa pitong magkakapatid, nasaksihan ko kung paano nagsikap ang aming ina matapos pumanaw ang aming ama.
Kulang man sa salapi, sagana siya sa determinasyon. Tumulong ako sa abot ng aking makakaya: tumanggap ng anumang trabaho gaya ng mag-ani ng palay, magtanim ng tubo, kahit sa gitna ng init o ulan – para lamang may baon o pambili ng bigas. Sa kabila ng lahat, hindi ko binitawan ang edukasyon. Dahil sa tulong ng 4Ps, nakapagtapos ako ng high school na may mataas na karangalan at nagtapos sa Senior High School taong 2018.
Hindi naging madali ang buhay ko nang nag kolehiyo ako pero ginawa ko ang lahat ng aking makakaya hanggang nakamit ko ang isa sa pinakamahalagang tagumpay ng aking buhay -ang pagtatapos ng kolehiyo sa kursong Hospitality Management, bilang Magna Cum Laude. Hindi lang ito diploma – ito ay simbolo ng sakripisyo ng aking pamilya at ng aking paninindigan.
Pagkatapos ng graduation, kumuha ako ng Safety of Life at Sea (SOLAS) training at inihanda ang mga dokumento ko upang magtrabaho sa ibang bansa. Nakuha ko ang seaman’s book at passport, at habang hinihintay ang mga susunod na hakbang, nagtrabaho muna ako sa isang pribadong kumpanya.
Noong Mayo 2022, nakita ko ang isang job posting mula sa DSWD Western Visayas page. Nagpasa ako ng aplikasyon habang naghahanda akong lumuwas pa Manila para ituloy ang mga dokumento para sa pagluluwas sa bansa pero bigla akong nakatanggap ng text mula sa DSWD6 na may exam ako. Isang linggo matapos ang pagsusulit, nasundan ito ng panel interview at makalipas pa ang ilang araw, may dumating na mensahe na natanggap ako bilang Project Development Officer (PDO) II.
Isang bagong kabanata ang nagbukas para sa akin dahil taong 2023 opisyal na akong naging lingkod-bayan sa DSWD6 at sa kaparihong taon rin nagtapos ang aming pamilya sa programa. Mula sa dating benepisyaryo, ngayon ay tagapaghatid ng serbisyo.
Una akong itinalaga sa Murcia, Negros Occidental bilang Municipal Link. Bagong mundo, bagong responsibilidad, pero agad kong naramdaman ang kahalagahan ng aking trabaho. Nakipag-ugnayan ako sa mga benepisyaryo, nakinig sa kanilang mga kwento, at naging tulay nila sa mga serbisyong kailangan nila.
Paglipas ng dalawang taon, nailipat ako sa Pilar Municipal Operations Office (POO) sa Capiz, kung saan ako ngayon nakatalaga. Sa araw-araw na pakikisalamuha sa mga pamilyang kabilang pa rin sa 4Ps, palagi kong naaalala kung saan ako nagsimula. Lalo akong naiinspire kapag nakikita ko ang determinasyon sa kanilang mga mata katulad ng determinasyon minsan ay nasa akin.
Sa tuwing may Family Development Sessions (FDS), hindi lang ako nagtuturo nakikinig, Ibabahagi ko ang sarili kong karanasan upang ipadama na kaya rin nilang makatawid. Ang pagbabahaginang ito ang siyang susi sa pagbuo ng tiwala at sa muling pagbuhay ng kanilang pag-asa.
Ang pinakamasayang bahagi ng trabaho ko ay ang masaksihan ang kanilang pag-angat gaya ng isang batang nagtapos, isang magulang na nagsimula ng negosyo, o isang pamilya na nakaahon. Sa bawat kwento ng tagumpay, naaalala ko ang sarili kong pinagdaanan. At sa bawat araw, pinapaalala nito kung gaano kahalaga ang mga programang tulad ng 4Ps. Hindi lang pera ang binigay sa amin ng 4Ps kundi pagkakataon at daan tungo sa pangarap.
At ngayon, ako na mismo ang gumagabay sa iba sa parehong landas. Ipinagmamalaki kong ako’y produkto ng programang ito, at patuloy akong magsisilbi upang makatulong sa mas marami pa. Sa lahat ng kasalukuyang benepisyaryo ng 4Ps, huwag kayong susuko. Ang inyong mga pangarap ay abot-kamay. Sa tulong ng sipag, at pananalig sa Diyos, makakaangat kayo. Kung kinaya ko, kaya n’yo rin.
Sa DSWD taos pusong pasasalamat at sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, hindi lamang tulong ang kayang ihatid sa bawat pamilyang nangangailangan at patuloy na nagbibigay pag-asa sa bawat pamilyang nasa laylayan. (Ipinasa ni: Municipal Link Vivien Pearl Bearneza ng Pilar MOO, Capiz POO)