Boses ng batang nangarap para sa pamilyang makaahon mula sa kahirapan
Testimonya ni Lyca Jane L. Vargas
Cum Laude, WVSU
Benepisaryo ng 4Ps
LEGANES, Iloilo (Pagbabago)- Ako ang batang panganay, unang nangarap, unang lumaban, at ngayon, ang unang tumupad ng pangarap.
Ang aking kwento ay nagsimula sa isang munting tahanang yari sa kahoy na kahit maliit at masikip man, ngunit puno ng pangarap at pagmamahalan. Sa kabila ng hirap ng buhay, pinanghawakan namin ang pangarap ng isang mas magandang bukas.
Naranasan kong maghapunan ng tubig na may asin, na tinatawag naming “hanggop.” Minsan, habang natutulog, ay kinagat ako ng daga, isang paalala kung gaano kahirap ang aming kalagayan.
Ang aking ina ay nagtitinda ng halo-halo sa araw at ihaw sa gabi, samantalang ang aking ama ay nagsisikap bilang trisikad driver, hinaharap ang init at ulan upang maitawid lamang kami sa kinabukasan. Sa pagnanais na makaahon, nagpasya ang aking ina na makipagsapalaran sa Manila. Bawat alis niya ay may kasamang luha, at ako naman ay nananabik sa isang buo at masayang pamilya.
Simula pagkabata, pinangarap ko nang maging guro. Gusto kong maging gabay ng mga batang tulad ko na salat man sa yaman, ngunit sagana sa pangarap. Ako ang panganay, kaya’t hindi pwedeng sumuko. Ginamit ko ang lahat ng paghihirap bilang inspirasyon upang magsikap sa pag-aaral, sapagkat alam kong ito ang magiging susi para matulungan ang aking pamilya.
Dumating ang tulong mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Para sa amin, hindi lamang ito ayuda kundi isang programang nakaugat sa malinaw na misyong palakasin ang kinabukasan ng bawat batang Pilipino sa pamamagitan ng edukasyon, kalusugan, at mas maayos na buhay para sa pamilya.
Ngunit kasabay ng biyayang ito ay dumating din ang panlalait. Tinawag akong “pabigat sa gobyerno,” at minsan, ikinahiya ko ring kami ay benepisyaryo ng 4Ps. Subalit natutunan ko na ang kahirapan ay hindi kahihiyan. Ang pagiging bahagi ng 4Ps ay hindi kahinaan, kundi isang pagkakataon upang magpatuloy, magsumikap, at patunayan na kaya ng isang batang nangangarap na magtagumpay.
At hindi ko binigo ang gobyerno dahil nagtapos ako bilang isang Cum Laude ng Bachelor of Secondary Education Major in Science sa West Visayas State University. Hindi ito kwento ng isang matalinong estudyante; hindi rin ito tagumpay ng isang estudyante lamang; kundi tagumpay ng isang panganay na hindi sumuko, ng isang anak na may pangarap, at ng isang benepisyaryong minsang pinagdudahan.
Ako ang panganay sa aming magkakapatid, unang nangarap, unang lumaban, at ngayon, ang unang tumupad sa mga pangarap. Hindi ko pa man natatapos ang laban, buo ang paninindigan ko na hindi ko ito ginawa para sa sarili ko lang, kundi para sa aking mga magulang, sa aking mga kapatid, at sa lahat ng batang nangangarap tulad ko.
Ang kwento ko ay isang paalala ng tunay na realidad ng buhay. Ito ay sumasalamin sa maraming pamilyang Pilipino na patuloy na nakikipaglaban para sa edukasyon at maayos na kinabukasan. Ako ang patunay na ang mga programa ng gobyerno, kapag tapat na ipinatupad, ay tunay na nakapagbabago ng buhay. Naniniwala rin ako na kung ang pondo ay gagamitin nang may integridad at walang korapsyon ay mas marami pang batang tulad ko ang aangat; hindi lang isang Lyca, kundi libo-libo.
Muli ako si Lyca at pinapatunayan ng aking kuwento na mahirap maging mahirap, ngunit kailanman ay hindi magiging hadlang ang kahirapan upang mangarap, magsikap, at magtagumpay. (Ipinasa ni Ronald L. Imperial-PDO II, MOO-Leganes, Iloilo POO)mgc
