Ulilang anak sa 4Ps kumakapit, hamon ng buhay nalampasan

Testimonya ni Lourden C. Oremo
Benepisyaryo ng 4Ps
Magna Cum Laude

BADIANGAN, Iloilo (Pagbabago)- Sa tuwing may mga magsasabing walang silbi ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development, isa ako sa mga unang hindi sasang-ayon dito.

Ito ang mga salitang buong puso kong binibitawan, sapagkat ako mismo ang patunay na ang programa ay hindi lamang tungkol sa ayuda o tulong-pinansyal, kundi isang pag-asa at isang pagkakataon upang baguhin ang takbo ng buhay ng mga pamilyang gaya namin.

Payak. Payapa. Patuloy. Iyan ang mga salitang mailalarawan ko sa aming pamumuhay sa isang simpleng subalit masiglang komunidad ng Agusipan, Badiangan, Iloilo. Ako si Lourden Consumo Oremo, panganay sa tatlong anak nina Dennis at Ma. Lourdes C. Oremo. Ang aming kabuhayan ay nakasalalay sa pagsasaka at sa pagiging barangay tanod ng aking ama. Sa araw-araw, pinagsisikapan ng aking mga magulang na may maihain sa aming hapag. Tatlong beses man kaming kumakain sa isang araw, madalas ay sapat lang – walang labis, walang luho.

Ngunit higit sa lahat, ang kakulangan sa salapi ay hindi kailanman naging dahilan upang mawalan kami ng pag-asa. Alam kong may mga panahong tila mahirap abutin ang mga pangarap, ngunit pinanghawakan namin na darating din ang tulong ng Diyos sa tamang panahon.

At dumating nga ito sa pamamagitan ng 4Ps kung saan isa kami sa mga unang benepisyaryo ng programa sa aming lugar. Hindi lamang ito naging gabay para sa amin kundi naging sandigan din sa mga panahong kami ay walang malapitan. Ang aking ina ay isa sa naging unang Parent Leader sa aming barangay na na nagpapatunay ng kanyang dedikasyon, malasakit, at pagmamahal sa kapwa.

Malaki ang naitulong ng 4Ps sa aming pamilya, lalo na sa aming pag-aaral. Ang tulong na aming natatanggap ay nagsilbing haligi ng aming mga pangarap, bawat sentimo ay may kasamang pag-asa, bawat kondisyon ay may kaakibat na disiplina, at bawat pagtitipon ay may hatid na inspirasyon.

Dahil sa programang ito, ako ay napili bilang Exemplary Pantawid Child ng Iloilo Province at ng Region VI (1st Runner-up) noong 2015. Isa itong karangalang hindi ko inasahan ngunit buong puso kong tinanggap. Naging daan ito upang makasama ako sa National Children’s Congress na ginanap sa San Juan City, Metro Manila, kung saan nakasalamuha ko ang mga batang tulad kong may mga kuwento ng pag-asa at katatagan. Doon ko napatunayan na ang kahirapan ay hindi hadlang sa pagbabago, kundi isa itong hakbang upang mas pahalagahan ang tagumpay.

Ngunit hindi nagtatapos sa tagumpay ang aking kuwento. Noong 2018, isa sa pinakamalaking pagsubok ang dumating sa aming pamilya nang pumanaw ang aking ama dahil sa Colon Cancer. Sa panahong iyon, nakita ko kung gaano kahirap mawalan ng haligi ng tahanan. Hindi lamang sa emosyon, kundi pati sa aspeto ng kabuhayan. Sa kabila ng sakit, pinilit ng aking ina na maging matatag para sa amin. Siya ang nagpatuloy sa laban, gamit ang pagsasaka bilang tanging sandigan. Mula sa pagtatanim ng abalong na pinagkukunan takway at kaniyang pagiging Barangay Agricultural Worker, tiniyak niyang may pagkain kami at maipagpapatuloy ang aming pag-aaral.

At sa lahat ng ito, ang 4Ps ay hindi kailanman bumitaw. Sa tulong ng programa, nakapagtapos ako sa Agusipan Elementary School at Badiangan National High School bilang Class Valedictorian, Leadership Awardee, at Journalism Awardee. Ang bawat medalya at karangalan ay iniaalay ko sa aking mga magulang at sa programang patuloy na nagbigay ng direksyon sa aming buhay.

Ngunit muling sinubok ang aming pamilya. Sa loob ng higit isang dekada, tiniis ng aking ina ang chronic kidney disease. Sa kabila ng kanyang karamdaman, hindi siya kailanman sumuko sa laban. Hindi ko makakalimutan ang bawat araw na siya ay nakangiti pa rin sa kabila ng pagod, at bawat gabi na palihim siyang lumuluha dahil sa takot na maiwan kami. Hanggang sa Agosto 8, 2025, siya ay pumanaw, isang buwan lamang matapos niyang masaksihan ang kanyang panganay na anak na sa wakas ay nakapagtapos ng kolehiyo. Ang araw ng kanyang pagkawala ay naging araw din ng aking panata: na ipagpapatuloy ko ang kanyang mga pangarap.

Sa tulong ng 4Ps at ng mga taong naniwala sa akin, natapos ko ang Bachelor of Science in Agriculture, Major in Crop Science sa West Visayas State University – College of Agriculture and Forestry, bilang Magna Cum Laude. Isa itong tagumpay na hindi ko kailanman maabot kung hindi dahil sa tulong ng programa at sa sakripisyo ng aking mga magulang. Naging Student Leadership Awardee, National Awardee sa Pagsulat ng Sanaysay, Most Outstanding OJT Student, at Chairperson ng Agriculture and Forestry Student Council, ginamit ko ang mga pagkakataong ito upang makatulong at magbigay inspirasyon sa kapwa kong mag-aaral at kabataan.

Hindi lamang sa eskwelahan, kundi maging sa komunidad, ipinagpatuloy ko ang aking adhikain. Naging President ng Agusipan at Badiangan 4-H Club ako sa loob ng mahigit sampung taon, at Secretary ng Provincial Federation. Sa tulong ng aming mga kasapi at tagapayo, naitaguyod namin ang mga proyektong nagbibigay-buhay sa mga kabataang magsasaka. Ang aming club ay kinilala bilang Most Outstanding 4-H Club in Region VI (2021), Most Performing Municipal 4-H Club (2023) at Top Performing Municipal 4-H Club (2025).

Ilan pa sa aking mga parangal ay ang pagiging 6th Most Outstanding 4-H Club Member of the Philippines (2025), National 4-H Advocacy Winner (2025), National Quiz Bee 2nd Place (2024), National Excellence Achievers Award (Economic and Sustainable Development Category, 2022) at Maria Y. Orosa Awardee (2024). Lahat ng ito ay iniaalay ko sa Diyos, sa aking mga magulang, at sa 4Ps—ang tulay ng pagbabago sa aking buhay.

Hanggang ngayon, ginagamit ko ang aking boses upang maka-inspire ng kabataan na ang kahirapan ay hindi sukatan ng kakayahan. Tulad ng sinabi ko noon sa Search for Exemplary Child: “Makamit natin ang pagbabago kung nasa atin ang tatlong ito—Sipag, Tiyaga, at Tiwala sa Sarili. Sapagkat ang taong masipag, may maihahain sa hapag; ang taong matiyaga, may nilaga; at ang taong may tiwala sa sarili, ay hindi kailanman mahuhuli.”

Ngayon, masasabi kong totoo ang kasabihang “ang tagumpay ay bunga ng pagtitiyaga.”. Hindi madali ang aming pinagdaanan, ngunit sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, DSWD, at ng mga taong patuloy na naniniwala sa layunin ng programa, nakamit ko ang tagumpay na minsang pangarap lamang.

Muli, ako si Lourden Oremo, anak ng mga magulang na sinubok ng sakit at kahirapan, ngunit pinatibay ng pag-asa at pananampalataya. (Ipinasa ni: Kenneth L. Llave- ML Badiangan, Iloilo POO)mgc