Takbo ng pag-asa, landas ng pangarap

Testimonya ni: Private Joida G. Gagnao
Dating minomonitor ng 4Ps

Marathon Gold Medalist in Kuala Lumpur, Malaysia

BUENAVISTA, GUIMARAS – Ni minsan, hindi ko naisip na ang pagiging mahirap ay hadlang sa pag-abot ng ating mga pangarap, bagkos kung may sipag at determinasyon, hindi imposibleng maabot natin ito.

Ako po pala si Joida Gadot Gagnao, ipinanganak at lumaki sa Barangay Old Poblacion sa bayan na ito at ika-pito sa siyam na anak nina Ellyn at Antonio Gagnao. Ako ay isang simpleng bata na may pangarap na iahon ang aking pamilya sa kahirapan at maging isang tanyag na “runner” ng ating bansa.

Maaga kaming nawalan ng ama, kaya mag-isang itinaguyod kaming magkakapatid ng aming ina. Sa murang edad, saksi ako sa lahat ng sakripisyo at hirap na dinanas niya para mabigyan kami ng magandang buhay. Nang mabigyan kami ng pagkakataon na maging miyembro ng 4Ps, naging malaking tulong ito sa amin dahil dito kami kumukuha ng pandagdag sa mga pang araw-araw na gastusin, magkaroon kami nang mabuting kalusugan at matustusan ang aming edukasyon .

Pitong taong gulang ako noon ng nakitaan ako ng talento sa pagtakbo. Walang maayos na ensayo pero kasama ang aking nakakatandang kapatid, dumadayo kami sa iba’t ibang patimpalak sa aming barangay at karatig bayan. Sa tuwing kami’y nananalo, kay Nanay agad ang aming premyo, pandagdag sa panggastos sa bahay at pambili ng bigas at ulam para sa pamilya. Ang minsang diskarte, naging kahiligan ko na rin dahil bukod sa meron na akong premyo na pwedeng makatulong sa amin, dito pa ako kumukuha ng aking pambaon.

Sa tulong ng aking mga guro, coach, at kaibigan sa high school, unti-unti kong naabot ang aking mga pangarap, ang makapaglaro at makapasyal sa iba’t ibang lugar sa bansa. Bukod rito, hindi rin ako umuuwing walang nasusungkit na medalya, munting panalo na naging daan upang ako ay mas na makilala ng iba’t-ibang sikat at malalaking paaralan sa Maynila.

Noong ako’y nakapagtapos na sa high school, ito rin ang nagbukas ng maraming oportunidad at nag offer ng iba’t-ibang scholarship para sa akin. Hirap man pumili, ngunit binigyan ako ng aking pamilya ng pagkakataong piliin ang gusto ko. Mahirap man na malayo sa aking pamilya, pinili kung lumuwas ng Maynila, dahil sa oportunidad na ibinigay sa akin dala ang pangakong babalik ako na matagumpay at naabot na rin ang aking pangarap sa buhay.

Ang Far Eastern University ang napili kung paaralan para makapag-aral sa kolehiyo at makipagsapalaran para sa isang pangarap. Kumuha ng kursong Bachelor in Secondary Education major in Sports and Recreation Management. Kahit nag-aaral ay naging routine ko ang gumising ng maaga at mag-ensayo araw-araw bago pumasok sa paaralan.

Lumalahok din ako sa iba’t-ibang fun run, para may pandagdag gastos sa aking pag-aaral. At dito na nagsimula ang masasaya at makabuluhang pagbabago sa aking buhay – na ang dating walang-wala ay unti-unting nagkaroon. Marami pang medalya ang aking nasungkit at noong ginanap ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 80, na-break ko ang record sa 3000 Steeplechase, isang takbuhan sa track kung saan ang mga mananakbo ay dumaraan sa malalaking, nakapirming hadlang (barriers) at water jumps.

Sa tulong ng aking coach, dito ako nagsimula na mas nakilala at nagbukas din ng maraming pinto at magagandang oportunidad gaya ng makapaglaro sa ibang bansa at makipagsabayan sa mga malalakas at sikat na manlalaro ng South East Asia. Noong Disyembre, 2019, isa ako sa ma swerteng napiling makilahok sa South East Asian Games na ginanap sa Capas, Tarlac. Isang pagkakataon na makapaglaro at itaas ang bandila ng bansang Pilipinas.

Sa tulong ng aking mga teammates, pamilya at mga kaibigan ay tinatagan ko ang aking loob at naiuwi ang Silver at Bronze Medal sa larangan ng pagtakbo. Laking pasalamat ko dahil kahit first time kong makilahok sa pangatlong pinakamataas na kompetisyon sa larangan ng isports ay nabibigyan ko ng karangalan ang bansa lalong-lalo na ang Guimaras, ang probinsyang pinanggalingan ko.

Patuloy akong nangarap at tumakbo dahil gusto ko pang mabigyan ng maayos na buhay at matulungan ang aking pamilya sapagkat’ sa kanila din ako kumukuha ng lakas araw-araw. Nagpapasalamat din po ako sa Panginoon na binigyan niya ako ng talentong gaya nito at walang rason para huminto at mapagod dahil tuloy-tuloy pa ang oportunidad. Ika nga nila, hanggang meron pa, kailangang mas kong gagalingan at sisipagan.

Bukod sa maging isang tanyag na runner, pangarap ko ding pagsilbihan ang ating bansa, kayat, maraming beses din akong sumubok na pumasok sa iba’t- ibang organisasyon ng “men in uniform”. Taong 2022 nang nakapagtapos ako ng kolehiyo. Pagkatapos ng dalawang taon, maswerte akong nabigyan ng pagkakataon na mapabilang sa hanay ng Philippine Army, isang sangay sa ilalim ng Armed Forces of the Philippines.

Kahit aktibo ako sa Philippine Army, patuloy pa rin akong sumasali sa mga kompetisyon. Kamakailan lamang, nakuha ko rin ang gold medal sa 2025 Kuala Lumpur Standard Chartered Marathon sa Malaysia. Hindi ko lubos akalain na nakayanan ko ito sa kabila ng hirap ng buhay na meron kami. Alam kong sobrang proud ang aking pamilya sa mga naaabot ko sa buhay, lalo na ang aking Nanay dahil ang lahat ng ito ay alay ko sa kanya – ang masuklian ang lahat ng kanyang paghihirap simula bata kami at hanggang sa malalaki na.

Masarap balikan, na ang pangarap ko lang noon na magkaroon ng magandang sapatos na aking gagamitin sa pagtakbo, isang maganda at estableng trabaho ang ibinigay ng ating Panginoon.
Gayunpaman, naging kaagapay din namin ang 4Ps na naging saksi sa kung paano kami nagsimula at patuloy na nangarap hanggang sa nagtapos na kami ngayong taon sa programa. (Ipinasa ni Buenavista MOO, Guimaras POO)