Katutubong IP na pamilya kaagapay ng komunidad tungo sa tagumpay

Testimonya ni Starlyn De Asis
Benepisyaryo ng 4Ps

CALINOG, Iloilo – Ang aming kwento ay nagpapatunay na ang pag-asa ay maaaring umusbong kahit mula sa Binolusan Pequeño, isang munting barangay sa bayan na ito na nasa tutok ng bukid na tinitirahan ng mga katutubong Panay Bukidnon.

Ang aming paglalakbay mula sa kawalan ng pagkakataon tungo sa pagiging isang Level 3 na sambahayan at ang pagkilala bilang Municipal Huwarang Pamilya Entry ng Calinog noong 2012 ay hindi para sa pagmamayabang, kundi para maging inspirasyon.

Ipinakikita na sa pamamagitan ng determinasyon, tamang desisyon, at pagtutulungan, ang isang pamilyang IP ay kayang buksan ang pinto tungo sa mas maayos na buhay at makamit ang tagumpay na hindi lamang nasusukat sa yaman kundi sa dami ng pusong natulungan.

Ako si Starlyn katuwang ang aking asawang si Carlito C. De Asis ay nagsimula bilang mga magsasaka, unti-unting nagpalago ng palayan, sagingan, at gulayan. Sa kabila ng mga hamon ng kalikasan, natuto kaming magplano at mag-ipon. Hindi lamang umasa sa pagsasaka; sinimulan din ang isang maliit na sari-sari store upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa paglipas ng panahon, lumaki ang aming ikinabubuhay: nagkaroon ng bilyaran, motorsiklo, paigiban ng tubig, at nakabili ng rice miller. Ang mga ito ay nagpalakas ng kita at nagbigay ng kakayahang hindi na umasa sa iba para sa pagproseso ng palay.

Bilang isang pamilyang katutubo, hinangad naming na maipasa sa aming mga anak ang prinsipyo ng sipag at paggalang. Naging inspirasyon ang panganay naming si Cherry, na nagtatrabaho bilang call center agent sa Maynila at nagbigay ng suporta sa pamilya. Si Venjie ay naging droner ng Philippine Army, si John Sene ay security guard, at si Dave ay nagtapos ng Bachelor of Science in Criminology at kasalukuyang nagre-review para sa board exam.

Ang aming mga anak ay nagkaroon ng kakayahang pumili ng kani-kanilang propesyon at landas. Ang kanilang pananampalataya at kultura ay nagsilbing sandigan sa pagpupursige upang makamit ang kanilang mga pangarap.

Ang pagkilala bilang Huwarang Pamilya noong 2012 ay nagtulak sa amin na lalo pang magsumikap. Sinulit ang oras sa pag-aaral ng tamang pamamahala ng pananim, pakikilahok sa mga training, at pag-iipon. Nagboluntaryo rin kami, nagbigay ng tulong sa komunidad at naging mabuting halimbawa sa barangay.

Mula sa isang bahay-tahanan na puno ng pangangailangan, nagkaroon kami ng mas maayos na tirahan, sapat na pagkain, at masustentuhan ang pag-aaral ng aming mga anak.

Ngayon, bilang isang Level 3 household, nakikita na ang bunga ng aming tiyaga. Hindi lamang sa materyal na bagay, kundi higit sa lahat, sa katatagan ng loob, pagkakaisa ng pamilya, at sa pagkakataong makapagbigay ng pag-asa sa iba. (Submitted by Calinog MOO, Iloilo POO)