4Ps, naging kaagapay sa pag-aaral ng Top 6 Forestry Board Passer

Testimonya ni Bobby J. Madrese
Benepisyaryo ng 4Ps

Top 6, Forestry Board Examination October 2025

JANIUAY, Iloilo – Payak. Ganyan ko ihahalintulad ang aking buhay. Ako’y namulat sa hirap ng buhay, walang ilaw, walang gadyets, walang telebisyon, walang mamahaling kasuotan, walang bagong uniporme. Ang mga damit ko ay galing lamang sa mga pinaglumaan ng aking mga nakakatandang mga kapatid at kamag-anak. Ito ay dahilan upang pag-igihan ko ang aking pag-aaral para kahit papano’y mairaos ko ang aking pamilya sa kahirapan balang-araw.

Pawang magsasaka ang mga magulang namin. Anim kaming magkakapatid at ika-lima ako. Kahit minsan lumiliban ako sa klase sa Ubian Elementary School dahil walang baon at minsan walang makain, pero ito’y hindi naging hadlang para makapag-kuha ako ng mataas na marka at mapasama sa mga With Honors hanggang sa makapagtapos ako ng elementarya bilang Class Salutatorian taong 2014. Nang pinagpatuloy ko ang aking pag-aaral ng high school sa Quipot National High School (na kasalukuyang tinatawag na Roberto and Gloria Lorca Tirol National High School), hindi naging madali ang buhay estudyante.

Dalawa sa aking magkakapatid ay nag-aaral din sa kolehiyo. Kahit konti lang aking baon na pera, minsan din ay kulang, pero hindi na ako naghihingi pa ng dagdag sa aking mga magulang, sapagkat naintindihan ko ang aming kalagayan. Bagkus, ako’y nagtitipid at minsa’y may natitira pa para sa kinabukasan.

Taong 2014 nang napasama an gaming sambahayan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Hindi man ako direktang naging benepisyaryo nito, pero ito’y nakatulong kahit papano sa mga gastusin sa pang araw-araw lalo na sa pambili ng pagkain.

Nang dumating ang pandemya dulot ng COVID-19, maraming suliranin ang umusbong, nawalan ng trabaho ang aking mga kapatid na siyang tumutulong sa aming pang araw-araw na gastusin. Buti nalang ay mayroon parin kaming ayuda mula sa 4Ps na siyang nakatulong sa pambili ng pagkain at iba pang pangunahing mga pangangailangan. Ang pandemya ay nagbigay din ng dagok sa aking pag-aaral dahil nakansela ang aming minimithing graduation (2020) na sana’y magtatapos ako bilang my pinakamataas na marka sa aming batch — With Honors.

Naging malala pa nang napilitan akong tumigil ng pag-aaral para sa kolehiyo. Gusto ko sanang kumuha ng kursong inhinyero kaso iyon ay sadyang hindi para sakin, at nakapasa naman sana ako sa Education Major in Mathematics kaso hindi ko nakikita ang aking sarili bilang isang guro, kaya ayon tumigil nalang ako nga pag-aaral dahil sa kakulangan na rin sa pinansyal. Habang ako’y walang ginagawa at sa bahay lamang, naisipan kung mag-online business para narin may sariling kita. Naging matagumpay rin ito at kahit papano nakatulong din sa pamilya.

Nang dumating na ang bagong school year, nag apply ako ulit sa kursong inhinyero pero hindi parin ako pinalad. Bilang aking back up plan, nag apply din ako sa West Visayas State University — College of Agriculture and Forestry sa kursong Forestry sa mismong huling araw ng aplikasyon, at sa wakas nakapasok din.

Taong 2023 nang nagtapos na rin ang aming pamilya sa programa dahil wala ng may minomonitor na bata. Kahit wala ng cash grants mula sa programa pero ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral ng may kasamang tatag, determinasyon, at tiwala sa Diyos na kahit mahirap kailangang sumubok, ilang beses rin akong nabigo, nadapa, at nagpuyat para sa pangarap. Dagdag pa, tila ako’y minumulto din nang makita ko ang aking mga batchmates sa high school na nakapagtapos na at pasado na din sa board exam. Pero iyon ay aking kibit balikat na inisip “There’s a perfect time for me to shine.”

Sa tulong ng aking pamilya, at pananampalataya sa Diyos, nagtapos ako bilang Magna Cum Laude at ako ang hinirang na may pinakamataas na marka sa aming batch sa Forestry Department na may kasamang iba’t ibang awards gaya ng Non-academic Awards na Best Presenter sa Research Symposium, Most Outstanding Student on Summer Practicum, at 5th Place Radio Drama — Udays 2025, at Service Award — Ang Amihan Publication, at Ang Sini-mariit.

Ngunit hindi pa dun nagtatapos ang aking tagumpay, sa nakaraang Forestry Licensure Examination (FLE) October 16-17, 2025, nakamit ko ang ang aking pinapangarap na lisensya, hindi lang yun sapagkat ako’y napabilang din sa hanay ng topnotchers bilang Rank 6. Yan ang 4Ps na para sa aking pansariling kahulugan ay 𝐏𝐀𝐘𝐀𝐊 ang pamumuhay, pero sa gitna ng 𝐏𝐈𝐆𝐇𝐀𝐓𝐈, may 𝐏𝐀𝐆-𝐀𝐒𝐀𝐍𝐆 nakakubli, at sa huli ay 𝐏𝐈𝐍𝐀𝐆𝐏𝐀𝐋𝐀 ng may Tangi. (Ipinasa ng Janiuay MOO, Iloilo POO)