IP nangarap maging guro nagkatotoo katuwang ang 4Ps

Testimony ani: Mary Joy Luceno
4Ps Beneficiary
Cum Laude

CALINOG ILOILO – “Kung may edukasyon, may kinabukasan. Kung may tiyaga, may nilaga. Dahil ang pagtiyatiyaga ng pamilya at pag-aaral ng mabuti ay susi sa tunay na pagbabago.”

Ako si Mary Joy Luceño Quiachon, 23 anyos, tubong Brgy. Binolusan Pequeño, Calinog, Iloilo. Ang aming pamilya ay isang IP/Panay Bukidnon. Hiligaynon at Kinaray-a ang wika namin sa bahay. Bago naging benepisyaryo ng 4Ps, punong-puno ng paghihirap ang buhay namin. Ang ama ko ay tsuper ng habal-habal na araw-araw tinitiis ang init ng araw at lamig ng ulan para lang mapaaral kami at mabigyan ng mga pangunahing pangangailangan. Minsan swerte na kung makakain kami ng tatlong beses sa isang araw.

Noong nag-aaral ako, tinutulungan ako ng isang mabait na guro. Pinapadalhan niya ako ng mga kakanin na binebenta ko sa mga kamag-aral para may maliit na kita. Kapag uwian na, binibigyan ako ni ma’am ng konting barya para may pambaon kinabukasan. Alam ko rin kung paano kami lubog sa utang dahil kulang talaga ang kita ng ama at hindi maayos ang bahay namin noon.

May mga araw na naisip kong sumuko dahil malayo ang biyahe mula Binolusan Pequeño papuntang Passi City College na umaabot sa 52.3 kilometro at napakahirap ng sitwasyon namin. Sinusuong naming mag-ama ang sakit ng init at ulan makarating lang sa aming paaralan. Ngunit hindi ako tumigil dahil nakita ko ang sakripisyo ng aking magulang at pinanindigan ko ang pangarap kong maging guro. Gusto kong tumulong sa paghubog ng mga kabataan upang sila rin ay umangat.

Araw-araw iniipon ko ang maliliit na pera at pinipigilan ko ang sarili ko na bumili kahit gutom na gutom na ako. Ito ay para lang may maibigay ako kay Papa pang gasolina kinabukasan. Pinangarap ko talagang maging guro. Gusto kong makatulong sa mga bata na matuto at lumago. Kaya pinagsikapan kong huwag idaan sa pagkabigo ang aming sitwasyon. Tunay nga na ang determinasyon ng anak ay sumusunod kapag pursigido ang mga magulang.

Dumating ang malaking pagbabago nang kami ay naging benepisyaryo ng 4Ps. Unti-unti nabawasan ang aming mga suliranin. Nakapag-ayos kami ng bahay, nakakakain na nang tatlong beses sa isang araw at nagkaroon ng mas matatag na suporta para sa edukasyon ng mga kapatid ko. Dahil dito, nakapagtapos ako ng Bachelor of Secondary Education, Major in English at nag-graduate ako bilang Cum Laude. Hindi lang ako ang umangat, nakapagtapos na rin ang nakababata kong kapatid ng Bachelor of Science in Criminology at may tatlo pa kaming mga kapatid na patuloy na nag-aaral pa sa ngayon.

Mensahe ko sa mga kababayan kong kapos sa buhay na nangangarap makapagtapos ng pag-aaral. “Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Dahil ang edukasyon ang pinaka-matibay na tulay patungo sa pagbabago. Magtiyaga at magplano. Mag-ipon ng kahit kaunting pera, humingi ng payo sa mga guro at gamitin ang mga oportunidad gaya ng scholarships at mga ayuda sa gobyerno o lokal na pamahalaan. Humingi ng tulong. Huwag ipagtabuyan ang komunidad, kamag-anak o guro.

May mga taong handang tumulong kung aaminin natin ang pangangailangan. Ipagpatuloy ang disiplina, mag-aral ng mabuti, dumalo sa klase at huwag susuko kahit dumaan sa pagsubok. Kapag nagtagumpay ka na, ibahagi mo rin ang iyong tagumpay. Ganitong paraan natutulungan natin ang susunod na henerasyon na umangat. Ang pagbabago ay hindi agad-agad, pero posible. Kung ako ay nakamit ang pangarap mula sa simpleng tahanan sa Binolusan Pequeño, naniniwala akong kaya niyo rin. Kumilos lang, na may determinasyon at may pagtutulungan. Mabuhay ang mga nagsisikap at huwag titigil mangarap.”

Ngayon, sa edad kong 23 at pasado na sa board exam, dala ko ang pasasalamat sa 4Ps at sa mga taong sumuporta sa amin. Sa aking ama at ina, sa guro na nagtiwala sa akin at sa komunidad na nagbigay ng pag-asa. Ngayon ay handa na akong tumulong sa aking pamilya. Babayaran ko ang mga pinagdaanan nila at tutulong ako sa mga nangangailangan sa aming lugar. Ang 4Ps ang naging tulay para sa aming pagbabago at ang edukasyon ang naging susi para maibalik ko ang kabutihang tinanggap namin sa iba. (Ipinasa ni: Municipal Link Francis Diaz, Calinog,
Iloilo)

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD