Hinubog ng pagsubok, binago ng 4Ps
Testimonya ni: Angelica S. Bermejo
Dating benepisyaryo ng 4Ps
GUIMARAS – Sa bawat kwento ng buhay, naiiwan ang aral tungkol sa katatagan at wagas na pagmamahal sa pamilya at kapwa, na nagsisilbing patunay na kahit sa gitna ng kahirapan at matitinding pagsubok, may liwanag na nagmumula sa determinasyon at pananampalataya. Ang mga kwento ng pag-asa at pagtitiis ay nagsisilbing inspirasyon sa bawat isa, nagpapaalala na ang bawat paghihirap ay may dalang pagkakataon upang magtagumpay, magbago, at magsilbi sa mas malawak na komunidad. Sa kabila ng mga hamon, natutuklasan natin na ang tunay na lakas ay nagmumula sa puso, at ang bawat pagsubok ay nagsisilbing hakbang patungo sa mas maliwanag na bukang-liwayway ng ating mga pangarap at adhikain.
Ako si Angelica Senining Bermejo, mula sa Zaldivar, Buenavista, Guimaras, at ikinagagalak kung ibahagi ang aking kwentong 4Ps.
Laki ako sa simple at payak na pamumuhay. Mula pagkabata, mulat na ang aking mga mata sa kahirapan ng buhay. Mekaniko ang aking ama at wala na ang aking ina dahil sa sakit na cancer. Simula ng mawala ang aking ina, mas naghirap at naging mapait ang aming pamumuhay. Pangalawa ako sa apat na magkakapatid at bilang panganay na babae ako ang nag silbing ina sa mga maliliit kong kapatid, at tagapamahala na din ng aming sambahayan sapagkat palaging wala ang aking ama. Siya ay nagtatrabaho sa ibat-ibang lugar na may mga trabahong inaalok sa kanya. Kaya kaming magkakapatid ay na iiwan sa bahay ngunit kami ay nagtutulungan kahit na walang gumagabay sa amin, dahil sa puso at isipan naming magkakapatid, ginagawa ng aming ama ang lahat ng kanyang makakaya para maitaguyod kaming apat. Dahil sa estado ng aming pamumuhay noon, kami ay naging biktima din ng tuksuhan at pangmamaliit ng ibang tao.
Naranasan naming matulog ng hindi naghahapunan at naranasan naming matulog ng naka upo tuwing umuulan, dahil butas-butas ang bubong ng aming bahay. Sa musmos naming isipan, alam na namin na bawat sentimo ay mahalaga. Bata pa lang ay banat na ang aming mga buto sa pagtatrabaho. Tuwing walang pasok, ako ay naglalabandera habang ang aking mga kapatid na lalaki ay nag tatrabaho bilang kargador para lang may pang bili kami ng pagkain at pambaon sa paaralan.
Noong Disyembre 2012 napabilang ang aming sambahayan sa 4Ps at malaki ang aming pasasalamat sa biyayang ito. Dahil sa 4Ps may pang gastos na kami sa aming pagkain at pag-aaral ,hindi man sapat ngunit malaking tulong ito amin. Taong 2014 nang makapagtapos ako ng high school ngunit napaisip ako ng malalim kung paano na? Ano ang gagawin ko pagkatapos mag high school? Bagamat kung aking babalikan ang nakaraan, napaka imposible talaga na makapag-aral ako sa kolehiyo dahil wala naman kasing permanenteng trabaho ang aking ama at magiging magastos ito.
Pero salamat sa Diyos at sa mga taong ginamit niyang instrumento upang mapabilang ako sa Expanded Students Grant-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGPP-A) Programa ng CHED at 4Ps. Abot langit ang aking pasalamat sa oportunidad na ibinigay sa akin at malaki ang naging tulong ng scholarship sa akin at sa aming sambahayan dahil ang allowance na aking natatanggap kada buwan ay nagiging budget din namin sa pang araw-araw na gastusin. Dahil dito ay mas napalawak pa ang aking kaalaman at na diskubre ko rin ang aking kakayahan maging isang lider. Dahil din sa scholarship na ito ay nakarating ako sa iba’t-ibang lugar upang e representa and aming paaralan.
Noong ako’y nasa kolehiyo pa ay binibigyan kami ng pagkakataon ng aming mga Municipal Links na makapag turo sa mga kabataan tuwing may Youth Development Session (YDS) kung saan mas natutunan kong makihalubilo sa ibang kabataan at naibabahagi ko rin ang aking mga naging karanasan na makapagsilbing aral at inspirasyon sa mga bata kagaya ko. Ito rin ay naging daan upang malinang ang aking kakayahan at mahalin ang pag silbi sa aking komunidad.
Taong 2018 ng makapagtapos ako sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Mathematics at sa parehong taon din napasa ko ang Licensure Examination for Teachers (LET). Taong 2019 ng mag-umpisa akong magturo bilang guro sa isang pribadong paaralana.
Bawat taon na lumipas ay nag-iiwan nang mga hindi makalimutang pagkakaon at inspirasyon. Ako ay nakapag-asawa at nagka-anak din ngunit hindi pa estable ang aming pamumuhay, pakiramdam ko ay naging isa akong dissapoinment sa aking pamilya, sa mga tumutulong sa akin lalo na ang 4Ps dahil pinangarap kung makapagtapos para matulungan ko aking mga kapatid sa kanilang pag-aaral ngunit hindi ko nagawa. Gayunpaman, hindi ako nawalan nang pag-asa, hindi ako nag patalo sa hamon ng buhay, nagpursige upang tuparin ang mga naiwan na pangarap na iyon.
Taong 2022 ang aming sambahayan ay nagtapos na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Nang sumunod na taon at bilang tanaw na utang na loob, nag-apply at nagtrabaho rin ako sa DSWD sa ilalim ng 4Ps at na assigned sa Capiz Provincial Operations Office bilang Administrative Assistant III. Malaki ang naging ambag ng karansan ko dito dahil marami akong natutunan sa tulong na rin ng mga katrabaho ko sa Capiz POO.
Marso 2024 na re-assigned ako sa 4Ps -RPMO sa parehong position at nagsilbe ako nang isang taon kung saan nadagdagan pa ang aking natutunan at kamalayan sa programa. Buong puso kung pinasasalamatan ang mga naging mentor ko sa RPMO.
Pebrero 27,2025 ay na promote ako bilang Project Development Officer II -Municipal Link na naassign sa Sibalom Antique. Labis na kagalakan ang aking nadama ng aking malaman ang magandang balita na ito. Mahirap sa umpisa sapagkat marami pa akong dapat matutunan ngunit nagbibigay ito ng kasayahan sa akin dahil sa bawat benepesyaryong aking nakaka-usap, sa bawat pamilyang aking natutulungan, sa bawat kabataan na napapabalik sa paaralan, halos hindi ko masukat ang galak na aking nadarama.
Sa bawat storya na aking naririnig, sa bawat tao na nakaka-alam ng aking kwento at sa bawat pagsusumamo na ako mismo ay damang-dama at alam na alam ang pakiramdam na masasabi ko na ako ay tinawag sa gawaing ito. Sa pagtatapos ng bawat araw na ako’y pagod sa isip man o sa pisikal na aspeto, aking palaging pinakatatandaan na ginagawa ko ito dahil masaya ako, na dahil sa 4Ps nabago ang buhay ko at utang ko sa gobyerno kung ano man ang mayroon ako ngayon.
Malaki ang epekto ng 4Ps dahil marami pa itong sambahayan sa matutulungang maiangat ang kanilang pamumuhay. Alam ko na may mga kabataan na dati ay tulad ko na nangagarap lamang ngunit dahil sa tulong nang programa at mga taong bumubuo sa programang ito, unti-unting naisasakatuparan ko ang mga imposibling pangarap sa kasalukuyan. Ako ay magsisilbing gabay ng bawat pamilyang aking tinutulungan na makamit ito.
Sa kasalukuyan ako ay nagsisilbi bilang Municipal Link sa Sibalom, Antique at para mas mapalawak pa ang aking kaalaman sa propesyong ito ay napatuloy ako sa pag-aaral ng Master of Science in Social work. (Submitted by: Municipal Link Marigold B. Ibieza ng Buenavista, Guimaras)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
