Pangarap ng mag-asawang 4Ps, unti-unting naisakatuparan ng mga anakTestimony by: Melba G. Esto
Benepisyaryo ng 4Ps
LIBACAO, Aklan (Kwento ng Pangarap)- Sa buhay, susubukin tayo ng mga pagsubok na unti-unting nagpapatibay sa atin. Sa kabila ng bagyo’t unos, dapat tayong lumaban at manalig dahil ang bawat pagsubok ay may hatid na biyaya. Ang aming pamilyang ay bahagi ng katutubong komunidad na Akeanon Bukidnon sa Sitio Kabaya, Barangay Manika, Libacao, Aklan, isang liblib na lugar na dalawang oras ang layo sakay ng motorsiklong “habal-habal” sa madudulas at matatarik na daan mula sa bayan ng Aklan.
Karaniwang kabuhayan dito ang abaca at pagsasaka. Bago pa kami mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ako ay Barangay Health Worker na mula pa noong 2004. Tuwing buwan, naglalakad ako ng milya-milya upang timbangin ang mga batang edad 0–5.
Ginagampanan ko ito ng buong puso, kahit hindi sapat para sa aming pamily ang allowance na aking natatanggap. Ang aking asawa naman ay miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU). Kapag may oras ay tumutulong rin ako sa bukid, nagtatanim ng mga gulay, nag-aalaga ng mga hayop, at ang gumagawa ng ‘nigo’ mula sa kawayan na binibenta ko para may dagdag kita.
Taong 2009, nagsimulang gumaan ang aming pamumuhay nang napabilang kami sa 4Ps. Tatlo sa aming pitong anak ang minomonitor ng programa. Sa pamamagitan ng programang ito, unti-unti naming naitaguyod ang edukasyon at kalusugan ng aming mga anak. Hindi lang pinansyal ang tulong ng 4Ps, malaki rin ang naitulong ng Family Development Sessions (FDS) sa aming emosyonal at moral na aspeto.
Naging aktibo akong kasapi ng iba’t ibang organisasyon tulad ng KALAHI CIDSS-NCDDP, Operation and Maintenance Team, Project Preparation Team, PTA ng Manika Elementary School at Loctuga National High School, Manika Farmers Association (Abaca at Coconut), Manika Upland Farmers, Manika Women’s Organization, at Caritas Organization. Linggo-linggo, inilalaan namin ang oras para sa pagdarasal bilang pamilya, sa simbahan man o sa aming kapilya. Mahalaga para sa amin ang espirituwal na lakas sa gitna ng mga maraming pagsubok.
Ngunit pagkaraan ng dalawang taon, ang pamilya namin ay nakaharap sa isang mabigat na pagsubok. Ang aking asawa ay napagbintangan sa isang krimen, ito ay naging badya ng sekuridad at kaligtasan ng pamilya namin. Ngunit nanaig ang katotohanan at napatunayang wala siyang kasalanan. Nalampasan namin ang unos na iyon pero isa pang unos ang dumating nang hinagupit kami ng Bagyong Yolanda. Nasira ang aming kabuhayan at bahay pero nanatili kaming matatag.
Para sa amin, ang pagiging bahagi ng 4Ps ay hindi lamang ayuda kundi isang misyon na magtaguyod ng bawat pamilyang Pilipino. Natutunan ko na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa pera o ari-arian kundi sa positibong pagbabago sa buhay ng pamilya. Bilang isang ina, ang tanging hangad ko ay ang mabuting kinabukasan ng aking mga anak. Kaya’t patuloy kaming nagsusumikap at lumalaban. Natutunan ko ring mangarap hindi lang para sa amin, kundi para rin sa aming komunidad.
Sa ngayon, ako ay masaya bilang Barangay Health Worker at aktibong volunteer sa aming lugar. Ang mga anak ko ay unti-unti ng nakakamit ang kanilang mga pangarap at naging pangarap rin naming mag-asawa para sa kanila. Ang panganay na si Glenda Mae Esto ay nagtapos ng Bachelor in Industrial Technology at ngayon ay isang on-call dressmaker at ang kasunod nito si Mary Gretchen Esto ay nagtapos ng Bachelor in Secondary Education, major in English, isang online freelancer, at kasalukuyang nagre-review para sa board exam.
Nais kong ipakita sa aking mga anak at sa buong komunidad na kahit hindi ako perpekto, kaya kong isakatuparan ang aming mga pangarap kahit sa aming mga anak na muna at makagawa ng magagandang ambag sa komunidad.
Lubos ang aking pasasalamat sa 4Ps at sa lahat ng taong tumulong upang maisakatuparan ang pagbabago sa aming buhay. Sa lahat ng kapwa ko benepisyaryo at sa mga patuloy na nagsusumikap, huwag mawalan ng pag-asa. Anuman ang hirap ng buhay, darating ang panahon ng pag-ani. Ipinasa ng Libacao MOO, Aklan POO. (Revised and Edited by: Paul Andrie A. Farrol, WVSU Intern)mgc
