Pangarap naisakatuparan dahil sa determinasyong makaahon sa kahirapan
Testimony by: Elfa A. Ibardolasa
Dating 4Ps Parent Leader, LET Passer
MALINAO, Aklan (Pangarap) – Ako si Elfa Aguirre Ibardolasa, isang simpleng babaeng may malaking pangarap. Lumaki ako sa pamilyang salat sa yaman ngunit sagana sa pagmamahal at pag-asa.
Bata pa lamang ako, malinaw na sa akin ang nais kong maging paglaki, ang maging isang guro. Sa mata ng iba, maaaring isa lamang itong karaniwang ambisyon ngunit para sa akin, ito ay pangarap na hinubog mula sa tiwala sa sarili.
Hindi naging madali ang simula ng aking paglalakbay. Sa panahon ng aking high school, dama ko agad ang bigat ng responsibilidad. Araw-araw kong nasasaksihan ang sakripisyo ng aking mga magulang, sa kabila ng kakulangan sa pera, hindi sila tumitigil sa pagtataguyod ng aming pamilya.
Sa bawat kahig, may tuka; at sa bawat tuka, may kasamang pag-asa. Doon ko natutunang ang kahirapan ay hindi hadlang sa pagkakaroon ng pangarap, kundi tulay patungo sa mas matibay na pananampalataya.
Sa kabutihang palad, nakapasa ako sa entrance exam ng Aklan State University – Kalibo Campus at kumuha ng kursong Bachelor of Science in Industrial Education, major in Technology and Home Economics. Doon ko lalo pang naranasan ang matinding hirap ngunit dasal at tapang ang naging sandata ko.
Noong 2002, nakapagtapos ako at agad kumuha ng Licensure Examination for Teachers (LET). Ngunit sa unang sabak, ako ay bumagsak. Napakasakit tanggapin, ngunit hindi ko ito itinuring na katapusan bagkus ginawa ko itong inspirasyon. Pagkatapos ng dalawang taon, nagpakasal kami ng aking minamahal na si Eric at magkasamang bumuo ng pamilya.
Taong 2009 nang ang aming sambahayan ay naging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Napakalaking tulong nito sa amin, lalo na sa edukasyon ng aking mga anak. Sa kabila ng maraming responsibilidad, hindi ko parin nakalimutang sumubok muling kumuha ng LET taong 2011. Sa pangalawang pagkakataon akoy nabigo muli.
Naging positibo ako sa aking pananaw sa buhay na hindi pa ang tamang panahon para sa akin. Bagkus naglingkod ako bilang child volunteer sa World Vision at naging Parent Leader sa 4Ps. Naniniwala ako na habang naghihintay ng biyaya, dapat patuloy pa ring magbigay at magsikap. Nang may bumukas na pagkakataon sa akin, ipinagkatiwala ko sa aking kasamahan ang pagiging PL at lumuwas ako ng Maynila upang makahanap ng trabaho. Naging production operator ako sa Cavite.
Sa kabila ng layo sa pamilya, pinili kong kumapit sa pangarap. Dumating ang ikatlong pagkakataon noong Marso 23, 2025. Umuwi ako ng Iloilo at muling kumuha ng board exam. Walang sapat na pera at maraming balakid, ngunit sa tulong ng mga kamag-anak at gabay ng Diyos, natapos ko ang exam ng may buong pananalig. At sa wakas, dumating ang pinakahihintay kong araw—ang resulta ng LET. Isa ako sa mga nakapasa. Hindi ko mapigilang mapaluha hindi dahil sa hirap, kundi sa labis na kagalakan.
Ang pangarap ko ay nagkatotoo. Isa na akong ganap na Licensed Professional Teacher (LPT) ngayon. Ang tagumpay na ito ay hindi akin lamang. Ito ay tagumpay ng aking pamilya, ng bawat taong naniwala sa akin, at higit sa lahat, ng Diyos na kailanman ay hindi bumitiw sa akin.
Sa bawat luha ng kabiguan, may kapalit itong biyayang hindi matutumbasan. Hindi biro ang aking pinagdaanan. Ngunit kung may isang bagay akong natutunan, ito ay ang katotohanang walang mahirap na daan para sa taong may pangarap.//Ipinasa ng Malinao MOO, Aklan POO (Revised and edited by: Paul Andrie A. Farrol, WVSU Intern) mgc
