Benepisyaryo ng 4Ps katuwang ng paaralan sa pagtataguyod ng kalusugan
Testimony by: Glenda Gange
4Ps Parent Leader
JORDAN, Guimaras (Pagtataya)- Bawat taon, isinasagawa sa mga paaralan ang Brigada Eskwela, kung saan ang mga magulang ng mga mag-aaral ay nagkakaisa at nagtutulungan upang maihanda ang paaralan para sa nalalapit na pasukan. Bilang mga benepisyaryo ng 4Ps, taon-taon din kaming hinihikayat na makibahagi sa gawaing ito. Lubos kaming nagagalak na mag-ambag ng aming kaalaman at kakayahan para sa kapakanan ng aming mga anak.
Ako po si Glenda Gange, isang Parent Leader na masayang sumasama sa mga ganitong gawain, dahil alam kong ang kahandaan ng paaralan ay nangangahulugan din ng kasiguruhan sa kalusugan at kaligtasan ng aming mga anak. Ang malinis at maayos na kapaligiran ay nakapagbibigay rin ng inspirasyon at sigla sa kanila upang mas maging masigasig at interesado sa pag-aaral.
Kasabay ng Brigada Eskwela, sinimulan din namin ang Gulayan sa Paaralan. Ang mga ani mula rito ay ginagamit sa feeding program para sa mga batang undernourished, upang matulungan silang maibalik ang magandang kalusugan. Ang ilan namang gulay ay ibinebenta sa mga nais bumili, at ang kita ay inilalagak bilang pondo sa canteen. Ang pondong ito ay ginagamit para sa pagbili ng mga pangangailangan sa pagluluto para sa feeding program.
Lubos naming sinusuportahan ang mga ganitong gawain dahil malaki ang naitutulong nito sa ikabubuti ng mga bata. Sa ganitong paraan, naipapakita rin namin ang aming pagiging aktibo at handang maglingkod sa aming pamayanan bilang pasasalamat sa lahat ng tulong na natanggap namin mula sa pamahalaan.
Hindi namin ito tinitingnan bilang dagdag na trabaho, kundi isang bukal sa pusong pagtulong. Sa pamamagitan ng programang 4Ps, taos-puso ang aming pasasalamat sa tulong na naibibigay para sa edukasyon ng aming mga anak at sa mga kaalaman at pagsasanay na nagtuturo sa amin kung paano pa mapapabuti ang aming sambahayan at magiging kapaki-pakinabang na mamamayan.
Sa aking kapwa benepisyaryo, patuloy tayong tumugon sa mga kundisyon ng programa at ibahagi ang ating oras at kakayahan para sa ikauunlad ng ating komunidad. Magkaisa tayo, magtulungan, at patuloy na maging responsableng mamamayan tungo sa tuloy-tuloy na pag-unlad. (Ipinasa ng Jordan MOO, Guimaras POO)