LIBACAO, Aklan – Bawat bata ay biyaya ng Panginoon sa kaniyang pamilya.
Tulad na lamang ni Chingbe Francisico ng Barangay Pampango sa bayan na ito. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti na niyang nasisilayan ang tunay na kahulugan ng mapaglarong mundo. Nagkaroon ng mga pangarap na gusto niyang matupad para sa kaniyang pamilya.
Nangarap na maging isang nurse, upang makatulong sa mga maysakit at makapaglingkod sa bayan. Nangarap na maging isang matagumpay na tao sa mundong ito at nangarap na maiaahon ang kaniyang pamilya sa hirap ng buhay.
Ang sarap isipin na sa murang edad, ay punong-puno na ng pangarap sa buhay si Chingbe. Lahat ay gagawin upang mapasaya at masuklian ang paghihirap ng mga taong sumusuporta sa kaniya lalong-lalo na para sa kaniyang mga magulang. Napakasuwerte siya dahil isinilang at nagkaroon siya ng mapagmahal na pamilya.
Heto ang kaniyang kuwento.
Siyam kaming magkakapatid at ako ay pangatlo. Sabay-sabay kaming nag-aaral at nangarap ng mga kapatid ko at sabay-sabay rin kaming pumapasok sa eskwelahan. Sobrang saya namin dahil magkakasama kami palagi.
Noong kami ay nasa elementarya, damang-dama ko ang hirap ng aming magulang upang kami ay mapag-aral. Kahit walang sapat na baon, nilalakad namin ang matatarik at maputik na daan para makapunta lang ng paaralan dahil ayaw naming lumiban sa klase. Tanging kamoteng kahoy at saging lang ang gaming baon na pagkain sa paaralan.
Pagtatanim ng abacca lang at pagsasaka sa bukid ang ikinabubuhay ng aming pamilya. Lahat ay gagawin ng aming mga magulang upang maibigay lang ang aming mga pangangailangan. Minsan naririnig pa namin sila na nag-uusap tungkol sa aming magkakapatid kung paano nila kami paaralin lalo na sa high school.
Noong Graduation Day, nagkaroon kami ng award, nakikita namin ang mga ngiti sa labi ng aking mga magulang. Ang aming awards ay bunga ng kanilang pagsisikap upang kami ay makapag-aral ng mabuti.
Sa paglipas ng mga taon, tumungtong na ako ng high school at sa bayan ako ng Libacao nag-aral. Nakitira ako sa isang kamag-anak. Bawat linggo pinapadalhan ako ni mama ng bigas at allowance ko. Damang-dama at nakikita ko ang hirap na pinagdaanan ni mama at papa upang maitaguyod lang kaming magkakapatid. Noong ako nakapagtapos ng Grade 12, may maipagmamalaki din ako nakapagtapos ako na may matataas na grado at may magandang record sa school.
Gusto kong maging modelo sa aking mga kapatid para maging masipag at masigasig din sila sa kanilang pag aaral. Panahon na para akoy mag college. Nakikita ko at nararamdaman kong balisa aking mga magulang kung paano nila ako paaralin sa kolehiyo at paano nila ako tulungan na matupad ang aking pangarap na maging isang nurse.
Salamat sa Pantawid at nakapasok ang aking pamilya sa programa. May katuwang na ang aking mga magulang sa mga gastusin sa paaralan. Ang aking ina ay naging isang parent leader sa aming barangay at kadalasan sumasali sa mga proyekto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kagaya ng Sustainable Livelihood Program (SLP), at KALAHI.
Nakipag usap ang aking ina sa aming Municipal Link na assigned sa aming barangay , pinayuhan iyang mag process ng mga kailanganin sa scholarship na binibigay ng Department of Health (DOH). Ang kursong kanilang kinakampanya ang midwifery. Ako ay nagdadalawang isip dahil nurse ang gusto ko pero sa sa bandang huli napa oo ako dahil ang midwifery ay related na rin sa nurse. Ako ay nag pursigi na lakarin ang mga dokumento para maipasa agad.
Lumipas ang buwan ay walang resulta ako na natanggap at unti- unting naglaho ang aking pangarap pero hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa. Isang araw, isang text ang nagpaiba sa buhay ko. Ako ay napabigla dahil ang Doctor of College of Midwifery ay nag bigay ng mensahe sa text na “Congratulations” at ako ay napatingin sa langit dahil sa sobrang saya na ako ay nakapasa.
Binigay ko ang lahat kong lakas para sa aking mga pangarap at maging mabuting mag- aaral. Libre ang lahat kong kailangin sa school at may allowances pa. Sobra-sobrang biyaya po ang aking natanggap. At ang aking mga magulang ay nasiyahan sa aking nakamit.
Ang 4Ps ay isang malaking programang nakikita ang dulot sa mga pamilyang tulad namin lalong lalo na sa pag aaral namin. Ang grant na aming natanggap ay malaking tulong para maibsan ang kahirapan. Nakapagtapos po ako ng dalawang taon sa kursong Midwifery nakaraang May 2020. Ang aking magulang ay nagtiwala sa akin na kaya ko pa maipagpatuloy ang kursong ito para makamit ang 4yrs course sa Midwifery para makakuha ako ng board exam.
Naniniwala po sila aking kakayahan kahit nahihirapan kami ngayong may pandemya. Ako bilang pantawid beneficiary ay nangangarap na babalik po ako balang araw sa aking bayang Libacao para makapagsilbi sa mga kapwa ko Libacaonon na nangangailangan ng tulong. Sa ngayon patuloy lang ang aking laban para sa aking pamilya.//(Isinulat ni Rodilyn Canderama, ML Libacao, Aklan POO)